Bolts, Bossing sososyo sa itaas

MANILA, Philippines — Sososyo sa liderato ng Group B ang Meralco at Blackwater kontra sa magkaibang karibal sa pagpapatuloy ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Makikipagbuno ang Bolts (2-1) sa Magnolia Hotshots (0-2) sa alas-5:15 ng hapon bago ang sagupaan ng Bossing (2-1) at Barangay Ginebra Gin Kings (0-1) sa alas-7:30 ng gabi.
Nakataya sa 2 koponan ang tsansang makatabla ang Phoenix (3-1) sa tuktok ng Group B papasok sa kalagitnaan two-round robin eliminations tampok ang Top 4 sa kanilang grupo na makakapasok sa knockout quarterfinals.
Meralco at Blackwater din ang huling naglaban nitong linggo. Wagi ang Bolts upang bigyan ng unang galos ang Bossing, 116-114.
Iyon ang ikalawang sunod na panalo ng mga bataan ni coach Luigi Trillo matapos sumemplang sa debut kontra sa Phoenix, 98-97. Wagi rin sila kontra sa Rain or Shine, 122-114.
Subalit kontra sa gutom at wala pang panalong Magnolia, aminado si Trillo na hindi ito magiging pamamasyal sa Luneta.
Taob ang Hotshots sa Fuel Masters, 98-86, at Bossing, 89-81, mga dating kulelat na koponan na lider na ngayon ng PBA.
“You look at our group. Phoenix, Blackwater those guys you’d think they should be in the bottom of the standings but our group’s baliktad,” babala ni Trillo na muling sasandal kay Antonio Hester kasama sina Chris Newsome, Chris Banchero, Jason Brickman, Cliff Hodge, CJ Cansino at Bong Quinto.
- Latest























