Alas Men mapapalaban sa Asiad
MANILA, Philippines — Mapapalaban nang husto ang Alas Pilipinas Men indoor volleyball team sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre.
Kasama kasi ng mga Pinoy hitters ni Italian coach Angiolino Frigoni sa Pool D ang regional powerhouse China, perennial contender South Korea at Chinese Taipei.
Hindi pa nananalo ng medalya ang Alas Men sa Asian Games kung saan ang pinakamaganda nilang tinapos ay ang pagiging fourth-placer noong 1958 edition.
Parehong may tig-tatlong gold medals ang China at Korea, habang wagi ng bronze ang Chinese Taipei noong 2018.
Nasa Pool A ang Japan, Pakistan, Kazakhstan at Uzbekistan, habang nasa Pool B ang Islamic Republic of Iran, Indonesia, Thailand at Kyrgyzstan at ang Pool C ay binubuo ng Qatar, India, Vietnam at Hong Kong.
Hahataw ang men’s competition sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 3.
Samantala, magbabalik ang Alas Pilipinas Women sa Asian Games sa unang pagkakataon matapos noong 2018.
Kasama ng Alas Women sa Pool B ang nine-time Asian Games champion China at Kazakhstan.
Kasalukuyan nang nag-eensayo ang mga Pinay spikers sa pangunguna nina team captain Jia De Guzman, Eya Laure, Bella Belen, Erika Santos, Alyssa Solomon at Angel Canino.
Si Japanese coach Taka Minowa ang gagabay sa Alas Women na huling nakapaglaro sa Asian Games noong 2018 sa Jakarta, Indonesia kung saan sila tumapos sa pang-walo.
- Latest





















