Inilihim sa bfna may anak na
Dear Dr. Love,
Tatlong taon na kami ng boyfriend ko, kaya naman hindi nakakapagtaka na magyaya na siyang magpakasal kami.
Sa totoo lang ay masaya ako sa alok niyang kasal, pero may halong pangamba lalo na’t tumitindi ang sumbat ng aking budhi dahil may lihim ako na matagal ko nang itinatago sa kanya. Meron na po kasi akong 3 years old na anak.
Nasa aming bahay sa probinsiya ang bata at inaalagaan ng aking nanay. Nakita po ng boyfriend ko ang pictures namin ng aking anak sa cellphone ko. Ang pakilala ko sa kanya ay favorite pamangkin ko ang bata.
Nagawa ko ang bagay na ‘yun sa pag-aakala na hindi naman magtatagal ang aming relasyon. Pero sa tingin ko ay nagkamali ako dahil ngayon ay mistulang tinik na maaaring sumira sa aming relasyon ang lihim kong ‘yun.
Hindi ko po talaga inakala na mauuwi sa seryoso ang relasyon namin, Dr. Love.
Ngayon, natatakot ako na baka magbago ang desisyon niya kapag nalaman niyang nagsinungaling ako sa kanya.
Ano po ang dapat kong gawin?
Maricel
Dear Maricel,
Wala kang ibang dapat gawin kundi sabihin ang totoo. Alalahanin mo na walang lihim na hindi nabubunyag at tiyak na may masasabi ang boyfriend mo. Pero kung talagang mahal ka niya ay tatanggapin niya ang buong pagkatao mo. Maaari ring mangyari ang kitatakutan mo, kaya ang payo ko ay maging handa ka sa anumang maaaring kahantungan ng lahat.
Ipakilala mo ang anak mo sa boyfriend mo, dahil ang katotohanan ang magpapalaya sa’yo.
Dr. Love
- Latest





















