Ibinigay lahat, pero walang napala
Dear Dr. Love,
Ako po si AA. Magandang araw po. Matagal ko nang minamahal ng tapat at buong-buo ang isang tao. Ibinigay ko na nga ang lahat ng oras, pag-unawa, at pag-aaruga sa kanya, pero alam kong hindi niya kayang ibalik ang nararamdaman ko. Para sa kanya, mabuting kaibigan lang talaga ako.
Masakit po na mahalin ang isang taong hindi ka naman nakikita sa parehong paraan. Minsan gusto ko nang tumigil, pero mahirap bitawan ang taong naging dahilan ng ngiti ko. Dapat ko pa bang ipagpatuloy ito o kailangan ko nang unahin naman ang sarili ko ngayon? Salamat po sa pakikinig at payo ninyo.
AA
Dear AA,
Ramdam ko ang bigat ng kalooban mo—parang naghanda ka ng paborito mong pagkain para sa inyong dalawa, pero iba ang kasama niya sa pagkain. Sayang ang inihanda mo, pero hindi ibig sabihin ay hindi na ito masarap.
Hindi mo kasalanan na marunong kang magmahal nang malalim.
Pero isipin mo ito, parang nakatayo ka sa istasyon ng jeep na maling ruta—kahit gaano ka pa katagal kumaway, hindi ka naman hihintuan dahil ibang lugar ang pupuntahan ng driver.
Huwag mong piliting ibalik ang damdamin na wala naman talaga, hindi mo trabahong a-yusin ang puso na hindi naman para sa iyo.
Pero pwede mo pa rin siyang hangaan bilang kaibigan, gaya ng pagtingin mo sa magandang tanawin—masarap sa mata, pero hindi mo madadala pauwi.
Ngayon, ibalik mo naman ang pagmamahal sa sarili mo. Don’t worry, darating din ang taong ikaw ang unang hahanapin at pipiliin.
DR. LOVE
- Latest



















