Alas kinahon 5th place sa SEA V Cup
CANDON CITY, Philippines — Nagsanib puwersa sina Joshua Magalaman at Louie Ramirez upang ihatid sa Alas Pilipinas ang unang panalo matapos walisin sa tatlong sets ang Myanmar, 25-21, 28-26, 25-22 sa battle for fifth ng 6th SEA V Cup men’s division na nilaro sa Candon Arena, Ilocos Sur kahapon.
Tumikada si Ramirez ng 14 points mula sa 11 attacks at tatlong blocks habang 12 ang kinana ni Magalaman kasama ang walong kills, tatlong blangka at isang service ace upang hindi umuwing luhaan ang Alas Pilipinas.
Nabigo ang unang dalawang laro ng Pinoy Spikers sa Pool B matapos nilang matalo sa Cambodia sa opening day at sa 2025 SEA V. League second leg champion Indonesia noong Biyernes ng gabi.
Malinis sa dalawang laro ang Indonesia habang 1-1 ang karta ng Cambodia sa event na suportado ni Candon City Mayor Eric Singson kasama ang Philippine Sports Commission at ang Philippine Olympic Committee.
Para kay Italian head coach Angiolino Frigoni matagal ng gustong isama sa Alas Pilipinas team si Magalaman dahil inamin nitong may potensyal at kakayahan ito na makipagsabayan sa mga matitikas na volleyball players.
Samantala, umusad sa finals ang Cambodia matapos nilang silatin ang Thailand, 25-21, 16-25, 25-23, 25-17 sa semifinals ng tournament na makakakuha rin ng world ranking points.
Makakalaban ng Cambodia sa championship round ang mananalo sa pagitan ng Indonesia at Vietnam na kasalukuyan pang nagbabanatan sa isang pares ng semis.
- Latest















