Hepe, 3 pulis-Bulacan na-wow mali, sibak!

Sa pag-aresto sa negosyante
MANILA, Philippines — Apat na pulis sa Bulacan kabilang ang kanilang hepe ang tinanggal sa kanilang puwesto matapos umanong magkamali sa inarestong negosyante sa Baliwag City, Bulacan.
Ang tatlong pulis na sangkot at kinabibilangan ng dalawang police master sergeant at isang staff sergeant na nakatalaga sa San Rafael Municipal Police Station.
Pinaalis din sa puwesto ang hepe ng San Rafael Police Station dahil sa command responsibility.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nagkaroon ng kakulangan sa intelligence work kaya hindi naging tama ang target ng operasyon.
Dahil dito, inalis sa kanilang mga posisyon ang mga sangkot na pulis at haharap sa administrative at criminal cases.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 3, nilapitan ng tatlong pulis at isang confidential informant ang negosyante sa parking lot ng isang restaurant sa Baliwag City noong Huwebes ng hapon.
Pilit na pinasasakay ng mga pulis sa Toyota Vios ang negosyante sa kabila ng kawalan ng warrant of arrest. Nang tumanggi ang negosyante at humingi ng tulong, rumesponde ang mga empleyado ng restaurant, at napigilan ang pag-aresto.
Matapos ang pag-uusap, natuklasan ng mga operatiba na nagkamali sila ng target matapos suriin ang pagkakakilanlan ng negosyante saka umalis ang grupo sa lugar.
Samantala, sinabi ni PNP Public Information Chief PCol. Allen Rae Co na may warrant umano ang operasyon ngunit hindi muna nagbigay ng karagdagang detalye habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Tiniyak ni Nartatez na magkakaroon ng patas na imbestigasyon sa kaso.
- Latest





















