EDITORYAL — Health and safety protocols, repasuhin ng DepEd
NAKALULUNGKOT na isang Grade 4 pupil sa Trece Martires City, Cavite ang namatay matapos isagawa ang routine deworming activity sa kanilang paaralan noong Hulyo 2. Isinagawa ang deworming sa Hugo Perez Elementary School sa koordinasyon ng City Health Office. Kinabukasan, naospital ang bata matapos makaranas ng pagsusuka at namatay ng araw ding iyon (Hulyo 3).
Ayon sa Department of Education, ang pagkamatay ng bata ay may kaugnayan umano sa infection na humantong sa septic shock. Ang nakapagtataka, naglabas agad ng hatol na ang deworming medicine ang dahilan ng pagkamatay.
Kapag bata ang namatay matapos ang isang school health activity, karapatan ng pamilya ang buong katotohanan. Karapatan nilang malaman kung ano ang ibinigay, gaano karami ang dose, sino ang nagbigay, may health personnel ba at mayroon bang tamang monitoring. Kung may pagkukulang, dapat may managot.
Hindi dapat gawing kalaban ang deworming. Mahalaga ang ganitong programa, lalo na sa mga batang lantad sa bulate, malnutrisyon, at kakulangan ng tamang sanitasyon. Maraming pamilya ang nakikinabang sa libreng health programs sa paaralan. Pero dahil gamot ito na ibinibigay sa mga bata, hindi puwedeng maging kampante ang mga awtoridad. Dapat malinaw ang consent ng magulang. Hindi sapat na may pinapirmahang waiver kung hindi naman malinaw sa magulang kung kailan ibibigay ang gamot, ano ang posibleng side effects, at ano ang dapat gawin kapag sumama ang pakiramdam ng bata. Ang consent ay hindi basta pirma sa papel. Dapat ito ay may paliwanag, petsa, detalye, at tunay na pag-unawa.
Nasa alaala pa rin ng marami ang kontrobersiya sa Dengvaxia noong 2017, kung saan ang takot, kakulangan sa paliwanag ay nag-iwan ng malalim na epekto sa mga health program para sa mga bata. Hindi pareho ang kasong iyon at ang nangyari sa Cavite, pero pareho silang paalala: kapag bata ang kasali sa public health program, hindi sapat ang mabuting layunin. Kailangan ng malinaw na impormasyon, maayos na consent, mabilis na aksyon, at pananagutang nakikita ng publiko.
May isa pang mahalagang tanong: sapat ba ang health personnel sa mga paaralan? Kung kulang ang nurses, doctors, at trained health workers, sa mga ganitong aktibidad napipilitan ang mga guro na humawak ng trabahong hindi naman dapat sa kanila ibinabagsak. Ang pagbibigay ng gamot, pagbabantay sa adverse reaction, at pagresponde sa emergency ay dapat may supervision ng health professionals.
Dapat repasuhin ng DepEd ang health and safety protocols nito. Pero hindi dapat maging press release lang ang tugon na ito. Dapat may malinaw na pagbabago: mas maayos na parental consent, screening bago bigyan ng gamot, presensiya ng health personnel, mabilis na emergency response, at malinaw na accountability kapag nagkaroon ng pagkakamali.
- Latest















