Dagundong sa Mt. Mayon, pinangangambahan
MANILA, Philippines — Mas lalong nagdudulot ng malaking pangamba at takot ngayon sa mga residente na malapit at nasa paligid ng Mt. Mayon dahil sa ilang araw nang naririnig nilang mas malalakas na dagundong at hugong na nagmumula mismo sa loob ng bulkan.
Una nang ipinaliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na sanhi umano ito nang nangyayaring aktibidad sa loob lalo na ang pagkabasag ng mga bato at pag-akyat ng magma sa crater dahilan para patuloy naman sa pagkakaroon ng minor strombolian eruption at lava effusion ang bulkan.
Dahilan ito para umabot na ang lava sa habang 3.8 kilometro sa Basud gully sa bayan ng Sto. Domingo, 3.2 kilometro sa Bonga gully sa Legazpi City at 2.1 kilometro sa Miisi gully sa Daraga.
Sa datos ng Phivolcs kahapon, sa loob ng 24 oras ay naitala ang 187 volcanic earthquakes, at 43 na volcanic tremors o vibration na umaabot sa 5 hanggang 45 minuto bawat isa. Umabot naman sa 398 ang rockfall events at 10 pyroclastic density currents o uson.
Nananatiling mataas pa rin ang ibinubugang asupre na umaabot sa 9,028 tonelada bawat araw habang patuloy ang pamamaga ng katawan ng bundok.
Dahil sa patuloy na babala ng Phivolcs sa lahat na iwasang pumasok sa mga danger area lalo na sa loob ng 6-kilometer radius permanent danger zone ay mas lalong naghigpit ang mga nagbabantay na pulis sa border control checkpoints at nagdagdag pa ng mga barikada.
- Latest





















