SJI-Bacolod, One La Salle pabida sa SJNI
MANILA, Philippines — Wala pang mantsa ang karta ng St. John’s Institute-Bacolod, habang kumadena ng tatlong sunod na panalo ang One La Salle matapos pagulungin ang kanilang mga nakatunggali kahapon sa 2026 Shakey’s Juniors National Invitationals na nilaro sa Playtime FilOil Arena sa San Juan.
Kinaldag ng SJI-Bacolod Falcons ang guest team Perfect Set Dream Makers, 25-16, 25-15 para ilista ang 3-0 card at lumalapit sa pagsilo ng isang spot para sa Final Four sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, at R and B Milk Tea.
Pinagulong naman ng One La Salle Pusong Azul, 25-22, 25-19 para itarak ang three-game winning streak at nirehistro ang 3-1 win-loss record sa tournament na katuwang ang Jetour, Baic, Eurotel, Victory Liner Rent & Go, F2 Logistics, Summit Natural Drinking Water, PusoP.com at Smart Sports.
Bumanat si Celis ng 11 points mula sa pitong kills at apat na service aces habang bumakas si Escultura ng nine markers kasama ang five attacks at four service aces para pamunuan ang puntusan ng SJI-Bacolod.
“It feels good to play against other teams from other countries. Siyempre taga-ibang bansa sila kaya naga-adjust kami kasi iba ang sistema nila,” ani Escultura matapos nilang kalusin sa loob lamang ng 52 minuto ang California-based Dream Makers.
Hindi pinaporma ng SJI-Bacolod ang kanilang kalaban dahil sa 13 service aces na kabuuan ng koponan at lamang pa sila sa attacks kontra Dream Makers, 23-14.
Naglagak si Victoria Anderson ng six attack points habang tatlo ang kinana ni Nizmund Manalad para sa Perfect Set na nalasap ang pangatlong sunod na talo.
- Latest






















