Malakas na pagputok ng Mt. Mayon nakaamba!

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na malaki ang posibilidad na magkaroon ng explosive eruption o malakas na pagputok ang Mt. Mayon sa Albay matapos ang pagngangalit nito nang umagos ang lava at magbuga ng mga abo at nasa 13,128 toneladang asupre kada araw na pinakamataas na naitala sa loob ng 26-taon.
Sa ulat ng Phivolcs, nagbuga ng abo ang bulkang Mayon at nagkaoon ng pagdaloy ng lava sa may Basud, Bonga at Mi-isi gullies nito kahapon. Kinakitaan din ito ng pagluwa ng volcanic ash, mga bato at gases o pyroclastic density currents (PDC) kahapon.
Sa loob ng 24-oras na obserbasyon, kahapon ay bumaba sa 5,842 tons sulfur dioxide emission pero ayon sa Phivolcs ay lubhang mataas pa rin ito; habang nasa 92 volcanic earthquakes at 299 rockfall events ang naitala at nakitaan ng pamamaga ang katawan ng bulkan.
Binigyang diin ng Phivolcs na kapag nagpatuloy pa sa mataas na aktibidad ang bulkan ay naroon ang posibilidad ng malakas na pagputok.
Pinangangambahan pa na magkaroon ng mas malaki ang volume at malayo ang mararating ng pyroclastic density currents o uson, mas marami ang tipak ng bato na ibubuga palabas ng crater na tinatawag na ballistic projectiles, mas marami at makapal na abo ang pwedeng bumagsak sa paligid ng bulkan.
Bunsod nito, pinahahanda na ng Phivolcs ang lahat na kapag patuloy na tumaas ang parameters na inoobserbahan ay baka itaas na rin ng Phivolcs ang estado nitong alert level 3 patungo sa alert level 4.
Ayon naman kay Doreen Abelinde, senior science research specialist ng Phivolcs Ligñon Hill Observatory Station sa Legazpi City, mula alas-6:25 ng umaga kahapon hanggang tanghali ay nagkaroon ng serye ng panaka-nakang maliit na strombolian eruption at lava fountaining dahilan para rumagasa ang pyroclastic density currents pababa at pagbuga ng abo na bumagsak sa mga bayan ng Sto. Domingo, Malilipot at Bacacay.
Ilang residente na nasa loob ng 7 to 8 kilometers radius ng bulkan ang nagkuwento na kapag gabi at tahimik ang paligid ay malakas naman nilang naririnig ang dagundong at paghugong sa loob ng bulkang Mayon na nagdudulot sa kanila ng takot at pangamba.
- Latest
























