Team Philippines sa YOG kumpleto na
MANILA, Philippines — Kumpleto na ang siyam na batang atletang isasalang ng Pilipinas sa darating na 4th Youth Olympic Games sa Dakar, Senegal.
Pamumunuan nina Pi Durden Wangkay at Naomi Marjorie Cesar ng athletics ang delegasyon sa nasabing event na nakatakda sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 13.
Ang siyam na universality slots ay ibinigay ng International Olympic Committee (IOC).
Tatakbo si Wangkay sa men’s 100-meter run, habang lalaban si Cesar sa women’s 800m run sa event na lalahukan ng higit sa 2,700 batang atletang may edad 15-anyos hanggang 18-anyos.
Inangkin ni Wangkay ang gold sa men’s 200m sa 2025 Asian Youth Games sa Bahrain, samantalang silver ang nakuha ni Cesar sa women’s 800m.
Ang iba pang miyembro ng Team Philippines ay sina swimmers Jamesray Mishael Ajido (men’s 100m butterfly) at Riannah Chantelle Coleman (women’s 100m breaststroke), gymnasts Tchelzy Mei Maayo at Hilarion Palles III, cyclist Maritanya Krog (road), Jade Justiniane (windsurfing) at Angel Polo (wushu-taolu).
Tanging si kiteboarder Christian Tio pa lamang ang nakapag-uwi ng medalya sa Youth Olympic Games matapos kumuha ng silver sa sailing event noong 2018 sa Buenos Aires, Argentina.
Naka-ginto si Pinoy archer Luis Gabriel Moreno katambal si Li Jiaman ng China sa 2014 edition sa Nanjing, China bilang isang Mixed-NOCs team.
Hindi ibinilang sa Pilipinas at China ang nasabing gold medal.
Inilunsad ang Youth Olympic Games noong 2010 sa Singapore bago idinaos sa Nanjing, China noong 2014 at sa Buenos Aires, Argentina noong 2018.
- Latest





















