Bangkay ng kelot, palutang-lutang sa estero
MANILA, Philippines — Isang lalaki ang natagpuang patay at palutang-lutang sa isang estero sa Sta. Ana, Manila kamakalawa.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawang nasa 15 hanggang 20-anyos, katamtaman ang pangangatawan, may taas na hanggang limang talampakan at walang suot na damit pang-itaas.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-7:56 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima habang palutang-lutang sa Buhangin Creek sa Sta. Ana.
Nagpapatrulya umano ang isang security guard sa lugar nang mamataan ang bangkay.
Hinala ng mga awtoridad na posibleng inanod lang sa lugar ang bangkay.
Dinala na ang bangkay sa isang punerarya para sa pagsasagawa ng post-mortem examination at kaukulang safekeeping.
- Latest















