Mag-lover na pulis kinasuhan ng adultery
Huli sa akto ng mister
MANILA, Philippines — Isang babaeng pulis at kabaro niya ang kinasuhan ng kriminal at administratibo nang mahuli sila sa akto ng mister ng una na magkasiping sa loob ng isang inuupahang kuwarto sa Butuan City, nitong Hulyo 1.
Sa ulat ng tanggapan ni Police Regional Office (PRO) 13 Director P/Marcial Mariano Magistrado IV, ang dalawang parak na kapwa nakatalaga sa Police Regional Office (PRO) 13 ay kapwa kasal at may legal na mga pamilya na.
Ayon sa PRO 13, hindi nila kailanman kukunsintihin ang imoral na gawain ng kanilang mga tauhan dahilan mahalaga sa PNP ang integridad, disiplina at propesyonalismo sa serbisyo upang mapanatili ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa hanay ng kapulisan.
Binalaan din ng PRO 13 ang lahat ng kanilang mga personnel na hindi kukunsintihin ang anumang mga mali ng mga itong ginagawa kabilang na ang usapin ng imoralidad.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa magdyowang pulis ng adultery at administrative case dahil sa umano’y misconduct.
Binigyang-diin ng pamunuan ng PRO-13 na hindi nito palalampasin ang anumang asal na taliwas sa moralidad at nakasisira sa integridad ng organisasyon, lalo na kung sangkot ang mga alagad ng batas.
- Latest






















