Historic trial ni VP Sara simula na
NGAYONG Lunes, Hulyo 6, bubukas ang pintuan ng Senado para sa isang makasaysayang yugto - ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Sa Session Hall, magtatagpo ang mga senator-judge, prosecution, at depensa para sagutin ang tanong na gumugulo sa publiko — mananatili ba siya sa puwesto o tuluyan nang matatanggal?
Hindi basta-bastang kaso ang nakahain. Nariyan ang umano’y maling paggamit ng P612.5M confidential funds, alegasyon ng unexplained wealth, bribery at umano’y pagbabanta laban mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa mata ng taumbayan, hindi lang ito usapin ng pera kundi usapin ng kapangyarihan, tiwala, at integridad ng pamahalaan.
Kung mapapatunayan ang mga paratang, tanggal si VP Sara sa puwesto at habambuhay nang madi-disqualify sa anumang posisyon sa gobyerno. Kung mapawalang-sala, mananatili siya bilang Bise Presidente, ngunit tiyak na mababahiran ng kontrobersya ang kanyang pamumuno.
Ang impeachment trial na ito ay higit pa sa legal na proseso. Ito’y salamin ng krisis sa pamumuno at accountability. Sa harap ng alegasyon ng maling paggamit ng pondo, nakasalalay sa Senado ang bigat ng desisyon. Ang hatol ng Senado ay hindi lang legal na desisyon, ito’y political verdict na magtatakda kung may puwang pa si Sara sa pambansang pulitika.
Sa huli, ang kahihinatnan ni VP Sara ay magsisilbing aral sa lahat ng opisyal na walang puwesto ang ligtas sa pananagutan. Nakaabang ang publiko kung ang hustisya ay mananaig o pulitika ang muling mangingibabaw.
- Latest


















