Tindera, kustomer naospital sa ininom na bottled water
MANILA, Philippines — Naospital ang isang tindera at kanyang kustomer nang makainom ng hinihinalang kontaminadong bottled water sa Antipolo City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas ‘Editha,’ 63, negosyante, at residente ng Brgy. San Isidro at ‘Angelique,’ 20, residente ng Brgy. Inarawan; kapwa sa Antipolo City.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa tindahan ni Editha sa Brgy. San Isidro.
Nagtungo umano si Angelique sa tindahan at bumili ng isang litrong bottled water.
Nang makainom, napuna umano ng nasabing kustomer na may kakaibang amoy at lasa ang tubig kaya’t inimpormahan ang tindera.
Dito, tinikman din umano ng tindera ang tubig ngunit maya-maya pa ay kapwa na sila nakaramdam ng burning sensation sa kanilang bibig, hirap sa paghinga at pagkapaso ng labi at dila.
Kaagad na isinugod ang dalawa sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center upang malunasan habang nakatakdang isailalim sa laboratory examination ang bottled water na kanilang ininom upang matukoy kung ano ang sangkap nito.
Iimbitahan na rin ng pulisya ang awtorisadong kinatawan ng manufacturer ng produkto para sa isasagawang kaukulang imbestigasyon sa kaso.
- Latest


























