Jillian, todo sa pagpapaganda ng katawan

Puspusan na ang ginagawang paghahanda ngayon ni Jillian Ward para sa kanyang solo concert na may titulong Star of the New Gen: Jillian Ward.
Sa New Frontier Theater gaganapin ang naturang concert ng dalaga ngayong July 31. “Yesterday nine hours po akong nag-rehearse sa pagkanta, nire-review ko po lahat ng songs. Umaabot po ‘ko mga four hours sa pag-rehearse sa pagsayaw and after that nagdya-jogging pa po ako para ma-boost ko ‘yung stamina ko,” nakangiting pagbabahagi ni Jillian sa 24 Oras.
Mahigit isang taon nang aktibo ang Kapuso actress sa pag-eehersisyo. Para kay Jillian ay talagang naging bahagi na rin ng kanyang lifestyle ang pagwo-workout. “Sobrang prinioritize ko talaga ‘yung fitness ko starting last year. So mga one year and a half na po akong consistent na naggi-gym, consistent na nagda-dance classes. As in sobra po akong mag-workout. Talagang naging lifestyle ko na po siya,” dagdag ng dalaga.
Samantala, isa si Jillian sa mga panelist ng The Clash Teens. Sobrang nae-enjoy ng aktres ang kanyang trabaho ngayon sa naturang reality singing contest. “Nakikita ko kung gaano sila ka-talented, gaano sila ka-passionate and I think mag-a-agree rin po ‘yung ibang mga judges na sa generation po ngayon ang pinakabina-value nila is ‘yung pagiging storyteller po nila,” pagtatapos ng Star of the New Gen.
Jennylyn, sasabak ulit sa aksyon
Muling nagkatrabaho sina Jennylyn Mercado at Dingdong Dantes. Magkasama ngayon ang dalawa sa The Master Cutter. Matatandaang huling nagkatrabaho sina Jennylyn at Dingdong sa Descendants of the Sun halos apat na taon na ang nakalilipas.
“Hindi ko pa siya nakakaeksena kasi second day ko pa lang (sa taping). Pero siyempre looking forward na makatrabaho ulit siya after ilang taon,” bungad ni Jennylyn.
Ayon sa aktres ay kailangang pakaabangan ng mga tagahanga ang kanyang bagong karakter sa naturang serye. Mapapasabak din si Jennylyn sa maaaksyong eksena sa The Master Cutter. “Isa siyang bungangera na babae na nag-i-struggle sa buhay pero may malaking puso. May mga ilan-ilang action scenes pero medyo nakakatawa,” pagdedetalye niya.
Napahanga umano si Jennylyn nang makaeksena ang child star na si Sienna Stevens. Para sa aktres ay may angking talento sa pag-arte ang bata. “Sobrang galing ng batang ‘yan, wala akong masabi. Tuwing matatapos ‘yung eksena sa sobrang awa ko sa kanya niyayakap ko talaga kasi ang galing-galing. ‘Yung talagang dalang-dala ako sa kanya,” paglalahad ng Kapuso actress.
(Reports from JCC)
- Latest






















