Eala babanat kontra Swiatek sa Wimbledon third round

MANILA, Philippines — Patuloy ang paggawa ng kasaysayan ni Alex Eala matapos patumbahin si Maja Joint ng Australia, 3-6, 6-2, 6-0, upang umusad sa third round ng Wimbledon Championships na ginaganap sa All-England Club sa London, England.
Si Eala ang kauna-unahang Pinoy netter na nakapasok sa third round ng isang Grand Slam event sa Open Era.
“It sounds super impactful. It’s an amazing thing for me to be able to do that for my country,” ani Eala.
Magandang resbak din ang panalong ito para kay Eala dahil si Joint ang tumalo sa kaniya sa finals ng Eastbourne Open noong nakaraang taon.
“I guess it’s also very emotional every time I’m able to pass a new step or break new ground, just because it’s also personal goals and personal achievements,” dagdag ni Eala.
Ngunit hindi pa tapos ang laban dahil daraan sa mas mabigat na pagsubok si Eala sa third round.
Makakasagupa ng Pinay netter si reigning champion Iga Swiatek ng Poland na nanaig kay Karolina Pliskova ng Czech Republic, 6-1, 6-3, sa loob lamang ng 70 minuto.
May 1-1 rekord sina Eala at Swiatek sa head-to-head nito sa WTA Tour.
Nauna nang tinalo ni Eala si Swiatek sa Miami Open na hard court noong nakaraang taon bago nakaresbak ang Polish bet sa Madrid Open na isang clay court.
“It’s things that I have been working really hard for. It’s things that my team has been working really hard for. I really appreciate that I’m able to share this with the nation,” ani Eala.
Aminado si Swiatek na hindi madaling kalaban si Eala.
May mga estilo ito na kailangan nitong pag-aralan.
“I don’t particularly know her game on grass. Obviously you can watch a little bit but I know how she plays because we played already,” ani Swiatek kay Eala.
- Latest


















