Josh, binisita si Ryzza!

Pati si Josh Aquino bumisita na rin sa Eat Bulaga at na-meet na rin si Ryzza Mae Dizon at maganda ang pagkikita ng dalawa.
Sa reels na napanood namin, makikita si Josh na kumanta ng Maybe This Time ka-duet si Ryzza. May kasama pang pa-sway-sway ang pagkanta ni Josh.
Sa isang bahagi ng reels, ginawa ni Josh ang promo ng EB na tinatakpan ang mga mata saka sasabihing Eat Bulaga. Makikita ring madalas silang magkuwentuhan ni Ryzza habang nasa likod ni Ryzza si Bimby Aquino na hindi maalis ang mga ngiti na nakikitang masaya ang kapatid.
Natutuwa ang fans na nakabisita si Josh sa EB at nakita nilang masaya ito. Ang wish nila, sana sa muling pagbisita ni Josh, kasama na ang mom niyang si Kris Aquino para kumpleto ang silang mag-iina.
Samantala, nadadagdagan ang supporters ng MaeBy love team nina Ryzza at Bimby at para na silang official love team na inaalam ang bawat galaw at sasabihin.
Gaya na lamang sa reels na pinuntahan ni Ryzza sa kanyang dressing room si Bimby. Gustong malaman ng fans kung totoong nag-“I love you” si Ryzza kay Bimb. Mabuti na lang at bago maniwala ang lahat, may nag-post ng mga sinabi ni Ryzza.
Ang sabi raw ni Ryzza kay Bimby, “Sige mag-rest ka muna” at hindi “I love you” ang sinabi nito, kundi “love, love, love” na kung matatandaan, paborito ring sabihin ni Kris.
Paalala ng fans sa mga nagsisimula nang maging delulu na MaeBy fans, magkaibigan at co-host lang sina Ryzza at Bimby. ‘Wag daw munang lagyan ng love angle ang friendship ng dalawa para hindi sila masaktan.
Priscilla, inisnab si John?!
Pinost ni John Estrada ang photos ng opening ng FETA Mediterranean restaurant na kabilang sa owner ay ex-wife niyang si Priscilla Meirelles. Prinomote pa niya ang resto sa post niyang “Escape to a world of flavor at FETA Mediterranean- perfect for Lunch and Dinner, where every bite is a journey to the Mediterranean coast.”
Sa post ni John, hindi binanggit at hindi kasama sa pinasalamatan si Priscilla. Ibang pangalan ang pinasalamatan niya na nag-imbita sa kanya. Wala ring photo na na-post na magkasama sila, pero sa isang photo, nag-uusap sila, nakatalikod nga lang si Priscilla.
Naka-off din ang comment box ng Instagram ni John kung saan pinost niya ang opening ng FETA, kaya hindi makapag-comment ang netizens. Kaya lang, dahil present si John sa opening, naniniwala ang netizens na okay na ang former couple.
May mga nag-comment na magkakabalikan pa sina John at Priscilla kapag natauhan daw si John. Sana lang daw, ‘pag dumating ang araw na gusto ni John na makipagbalikan, tatanggapin siya ng ex-wife.
Nasa Newport World Resorts ang FETA kung type niyo ang Mediterranean cuisine. Malay niyo ‘pag punta niyo sa resto, makita ninyo ang former couple.
Jennylyn, pasok sa Master...
Maggi-guest sa The Master Cutter si Jennylyn Mercado, nag-taping na ito, pero hindi pa sinasabi kung ano ang role na gagampanan niya. Pagbabalik primetime ito ng aktres na ang last series na ginawa sa GMA ay ang Sanggang-DikitFR kasama ang asawang si Dennis Trillo.
Excited na ang fans ni Jennylyn na mapanood siya sa primetime at looking forward ang mga ito sa mga eksena nila ni Dingdong Dantes at ang iba pang cast. Matatandaang minsan nang nagtambal sina Dingdong at Jennylyn sa Philippine adaptation ng Korean drama na Descendants of the Sun, at ibig sabihin, reunion nila itong The Master Cutter.
Guest lang si Jennylyn sa series at sandali lang ang kanyang labas.
- Latest



















