3 kidnaper/killer ng ex-Abuyog vice mayor, anak arestado na
MANILA, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang tatlong suspek sa umano’y kumidnap at pumatay kay dating Abuyog, Leyte Vice Mayor James Bohol at sa anak nitong si Carlou James “Jimbo” Bohol.
Kinilala ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang tatlong naarestong suspek na sina Mark James Taboy, 30; Reniel Galza, 24; at Kim Taboy Solayao, 27, na pawang residente ng Basey, Samar sa isang operasyon sa Pasay City noong Martes.
Magugunita na natagpuan na wala nang buhay ang mag-ama sa isang bangin sa gilid ng kalsada sa Barangay Imelda, Silago, Southern Leyte, noong umaga ng Martes, Hunyo 30.
Lumalabas sa ulat na Hunyo 28 ng hapon nang kidnapin ang mag-ama sa kanilang opisina sa isang warehouse sa Barangay Sta. Cruz, Mayorga, Leyte.
Hindi pa isinasapubliko ng mga otoridad ang posibleng motibo sa krimen habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang sangkot sa pamamaslang.
Kasulukuyang nasa kustodiya ng Pasay City Police ang mga suspek na kakasuhan ng kidnapping at murder.
- Latest





















