Lamayan inararo ng trak: 4 patay, 11 sugatan
MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi habang 11 iba ang nasugatan nang araruhin ng isang wing van truck ang isang lamayan at ang mga nakaparadang anim na sasakyan sa gilid ng Maharlika Highway, Sitio Tumpukan, Barangay Ibabang Palsabangon, Pagbilao Quezon, nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat na tinanggap ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, bago naganap ang aksidente, alas-10:45 ng gabi ay binabagtas ng wing van truck ang highway patungo sa Maynila nang makatulog ang 24-anyos na helper na si Gil na siyang pinagmaneho ng orihinal na driver na si Rene, parehong taga-Sta. Rosa City Laguna upang siya ay magpahinga.
Lumihis sa kabilang linya at diretsong inararo ang mga taong naglalamay saka binangga ang isang jeep, tatlong motorsiklo at dalawang tricycle bago tuluyang bumangga sa puno.
Dalawa sa mga biktima ang agarang namatay sa lugar matapos na maipit sa ilalim ng trak habang ang dalawang iba pa ay idineklarang dead-on-arrival sa ospital.
Dalawang menor-de-edad at siyam na iba pa kabilang ang helper na nagmaneho ng trak at ang orihinal na driver na pawang nasugatan.
- Latest



















