PLDT ready na sa PVL On Tour

MANILA, Philippines — Handang-handa na ang PLDT sa pagdedepensa sa kanilang korona sa darating na 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour.
Ito ay matapos na rin ang pagpapahinga ng mga High Speed Hitters matapos mabigo sa nakaraang 2026 PVL All-Filipino Conference na pinagreynahan ng Creamline Cool Smashers.
“We highly prioritize the balance between the work that we put in since the pre-season and the rest needed after every conference,” sabi ni PLDT coach Rald Ricafort.
Nasa maigting na preparasyon ngayon ang High Speed Hitters sa pangunguna nina Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes, Alleiah Malaluan, setter Kim Fajardo at libero Kath Arado.
Kasama rin ng tropa ang mga bagong players na sina Jessa Ordiales, Fianne Ariola, Winnie Bedaña at rookie free agent Joan Monares ng University of the Philippines Fighting Maroons.
Muli ring aasahan ni Ricafort sina veteran outside spikers Kiesha Bedonia, Shiela Kiseo at Jovie Prado.
Magsisimula ang 2026 PVL On Tour sa Hulyo 8 sa Ilagan City, Isabela.
Magtutuos sa unang laro sa alas-4 ng hapon ang ZUS Coffee at Akari kasunod ang salpukan ng Creamline at Nxled sa alas-6:30 ng gabi sa nasabing venue.
Sasalang ang PLDT sa Hulyo 25 sa Vigan City, Ilocos Sur kung saan nila lalabanan ang Choco Mucho sa alas-6:30 ng gabi matapos ang pagtutuos ng Capital1 Solar Energy at Nxled sa alas-4 ng hapon.
Muling ipaparada ng Solar Spikers si star hitter Bella Belen kasama sina Vanie Gandler at Erika Santos na galing sa nabuwag nang Cignal Super Spikers.
- Latest
















