Franklin Bulls giba sa Gilas
MANILA, Philippines — Binali ng Gilas Pilipinas ang sungay ng Franklin Bulls ng New Zealand, 94-66, para sa maugong na pagtatapos ng preparasyon nito sa ikatlong window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers kahapon sa Franklin Bulls Franklin Pool and Leisure Center.
Bagama’t 10 players lang ang ipinarada ni head coach Tim Cone, halos hindi pinawisan ang Nationals sakay ng 32-19 ratsada tungo sa bigating 28-puntos na tagumpay.
Nauna nang tinambakan ng Gilas ang Property Brokers Manawatu Jets, 90-61, sa Fly Palmy Arena para sa 2-0 kartada sa friendly games kontra sa mga pambatong ball clubs ng New Zealand National Basketball League (NBL).
Sa naturang laban ay hindi rin nakasalang si Brownlee at sa pagkakataong ito ay sinamahan siya ni Mike Phillips na nagtamo ng ankle sprain injury sa nakaraang duwelo.
Subalit magilas pa rin ang RP Team sa akbayan nina 9-time PBA MVP June Mar Fajardo, Juan Gomez de Liaño, Chris Newsome, Troy Rosario, RJ Abarrientos at Justine Baltazar ng PBA kasama sina Dwight Ramos, Carl Tamayo, Kevin Quiambao at AJ Edu na imports sa Korea at Japan.
Halos hindi rin iniinda sa ngayon ng Gilas ang kawalan ng twin towers na sina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown bagama’t masusukat ang kalibre nila sa mismong laban kontra sa Oceania powerhouse na Australia at New Zealand.
Dadayuhin ng Gilas ang New Zealand sa Auckland sa Hulyo 3 bago bisitahin ang Australia sa Perth sa Hulyo 6. Parehong taob ang Gilas sa Tall Blacks at Boomers, 69-66 at 93-66, ayon sa pagkakasunod, kahit pa may homecourt advantage noong 2nd window sa Mall of Asia Arena.
Matamis na higanti ang hangarin ng Gilas upang maiangat ang 2-2 kartada nito sa Group A bagama’t pasok na 2nd round.
Kailangan ng Gilas na makakolekta ng panalo dahill carry over ang format ng 2nd round kontra sa Jordan, Iran at Syria sa Group C.
- Latest


















