Philippine delegation sa Asiad lolobo
MANILA, Philippines — Posibleng lumobo ang bilang ng mga national athletes na isasabak ng Pilipinas sa 20th Asian Games na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 sa Aichi-Nagoya, Japan.
Umabot na kasi sa 443 ang mga atletang magha-hangad ng gold medal sa naturang quadrennial event matapos mabigyan ng tiket ang men’s national football team.
Sa 1994 Asian Games sa Hiroshima, Japan ay nagsabak ang bansa ng record na 524 atleta, habang 391 ang inilaban sa Hangzhou edition noong 2023.
“The minimum goal is to do better at these games,” pagtukoy ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino sa nahakot na apat na gold, dalawang silver at 12 bronze medals ng delegasyon sa nakaraang Asiad sa Hangzhou.
Lima pang atleta sa artistic events ng gymnastics ang kinukumpirma ang qualification sa Aichi-Nagoya Asian Games.
Sasalang ang mga Pinoy athletes sa 38 ng kabuuang 47 sports na inilatag ng Aichi-Nagoya organizers na nilimitahan ang mga events sa individual at combat sports dahil sa limitado nilang kakayahang tumanggap ng malalaking delegasyon.
Nakapasok ang natio-nal men’s football team sa 2026 Asian Games matapos umatras ang India.
Nauna nang nabigyan ng tiket sa Aichi-Nagoya Asiad ang national women’s football squad.
Kabuuang 16 teams ang sisipa sa men’s football sa Aichi-Nagoya, habang 12 tropa ang maglalaban sa women’s division.
Ang bawat koponan ay pinapayagan lamang maglista ng 18 hanggang 22 players sa under-23 tournament, ngunit may maximum na tatlong matandang players.
- Latest

















