17-anyos kinatay ng kapitbahay!
Bangkay itinapon sa ilog
MANILA, Philippines — Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 17-anyos na babae ng kanilang kapitbahay saka itinapon ang bangkay nito sa malalim na bahagi ng ilog sa isang liblib na lugar sa Talakag, Bukidnon kamakalawa.
Kinilala ang biktima sa pangalan lamang nitong Christine, residente ng Brgy. Dagundalahon, Talakas ng lalawigang ito.
Nauna rito, sa ulat ng Bukidnon Police, ang biktima at ang live-in partner na si Danny ay nagtungo sa ilog para maglaba. Gayunman, iniwan ni Danny ang live-in partner para umuwi umano sandali sa kanilang bahay at may kukunin lang itong ilang kagamitan.
Sa pahayag ni Danny sa mga awtoridad, pagbalik nito sa may ilog ay naaktuhan niya ang suspect na si alyas “Raul” habang buhat-buhat na ang katawan ng kaniyang duguang live-in partner at itinapon na nito sa malalim na bahagi ng ilog.
Nang maramdaman naman ng suspect na may nakasaksi sa kaniyang ginagawa ay dali-daling kumaripas ng takbo.
Agad na isinugod ni Danny sa pagamutan ang kinakasama pero idineklara nang dead-on-arrival sanhi ng malalim na taga na tinamo sa katawan.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang tumakas na suspect habang nag-alok na ng reward ang pamahalaang lokal para sa mabilisang ikaaaresto nito. Iniimbestigahan pa ang krimen at inaalam kung ginahasa ng suspect ang biktima.
- Latest

















