Barbie, umaray rin sa P18K bill sa kuryente!

Parami na nang parami ang mga artistang nagrereklamo sa kanilang Meralco bill.
Ang latest, umaray na si Barbie Imperial sa laki ng babayaran niyang bill sa kuryente.
Ipinost ng aktres sa kanyang Instagram (IG) Story ang Meralco bill niya na nagkakahalaga ng P18, 964.82.
Takang-taka siya kung bakit umabot ng ganito kalaki dahil solo living lang naman siya at bihira pa raw mag-stay sa bahay dahil nga lagi siyang may trabaho.
“WHAT THE MERALCO?? HUH LIVING ALONE AND BARELY HOME COS OF TAPING. WILD! @MERALCOPH,” ang caption ni Barbie.
Nabasa rin namin ang IG post ng Kapamilya actor na si Jayson Gainza na inirereklamo naman ang bill niya sa kuryente na nagkakahalaga ng P17, 845.79.
Sa caption ay mababasa ang open letter niya para sa Meralco na kinukuwestiyon kung paano raw umabot ng ganito kalaki ang kanilang bill.
“Dear @meralcoph Kami po ay walang laundry shop, wala din po kaming talyer at lalong lalo na wala kaming 4 na swimming pool paki explain papano nyo ito na compute ng ganito kalaki . Baka naman pag nagsolar kami maging 12k na lang kuryente namin aba aba baka lalo kayong yumaman!” mensahe ni Jayson.
Kamakailan lang ay naloka rin ang kapatid ni Regine Velasquez na si Cacai Mitra sa kanyang Meralco bill na nagkakahalaga ng P94,355.21 at sey nga niya, muntik na raw siyang mahimatay dahil sa laki ng kanyang babayaran.
White Party, star-studded; Mayor Joy, may award sa pagiging ally ng LGBTQIA+!
Isang malaking tagumpay ang pagbabalik ng White Party Manila na ginanap last Saturday, June 27, sa World Trade Center sa Pasay City.
Talaga namang star-studded ang nasabing event sa pangunguna ng Phenomenal Star na si Vice Ganda in her ‘unkabogable’ white outfit.
Needless to say, ang naturang event ay gabi ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community bilang bahagi ito ng Pride Month celebration ngayong Hunyo.
Libu-libong miyembro ng komunidad ang dumagsa at nakiisa sa event all in their bonggang white outfits. Ayon sa ilang tagapamahala ng event, nasa 5,000 ang estimated crowd nang gabing iyon.
Obviously ay na-miss ng LGBTQIA+ members ang White Party Manila na 12 years ding namahinga.
Isa sa pinakamahalagang bahagi ng event ay ang pag-turn over ni Vice Ganda at ng Mentorque Productions ng P1 million donation sa LoveYourself PH foundation.
Umabot sa P700,000 ang nalikom na donasyon ng Mentorque ni Bryan Diamante at dinagdagan nila ng P300,000 para mabuo ang isang milyong piso.
Ayon kay Bryan, CEO ng Mentorque Inc., si Vice Ganda ang “perfect person” para mag-represent ng pagbabalik ng White Party Manila.
“Having Vice as the face of this year’s comeback feels more meaningful, especially as we reignite the spirit of Pride through celebration, community, and purpose while delivering a Pride night to remember,” pahayag ni Bryan.
Kabilang sa mga nag-perform sa event ay ang OPM artists na sina Maki, Gloc9, Marina Summers, Maxie Anderson, Ben&Ben at ang SexBomb Dancers headed by Rochelle Pangilinan.
Nagkaroon din ng fashion show na pinangunahan naman nina Janella Salvador, Mimiyuuuh, Chie Filomeno, Alex Diaz, Kirk Bondad, Ron Angeles at Teejay Marquez.
Pinarangalan din sa nasabing event sina Mayor Joy Belmonte of Quezon City, Mayor Isko Moreno of Manila, Mayor Francis Zamora of San Juan City and Mayor Imelda Calixto-Rubiano of Pasay City dahil sa pagiging allies at supporters ng LGBTQIA+.
Namataan din namin sa event sila Ice Seguerra kasama ang kanyang wifey na si Liza Diño, Mark Bautista, John “Sweet” Lapus, Joey Mead-King, Angie King, Andoy Ranay, Martin del Rosario, Yayo Aguila at marami pang iba.
- Latest



















