Lumang isyu nabuhay sa Tacloban shooting
Maraming matagal nang usapin ang muling nabuhay matapos ang madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22. Tatlong estudyante ang nasawi at halos 20 iba pa ang nasugatan matapos umanong pagbabarilin ng dalawang menor-de-edad na kapwa nila estudyante. Mahigit isang linggo na ang lumipas ngunit hindi pa rin humuhupa ang diskusyon. Halos araw-araw ay may bagong opinyon, teorya at sinisisi. Sino ba talaga ang may pananagutan at paano maiiwasang maulit ang ganitong trahedya?
Muling nadamay ang usapin tungkol sa mararahas na video games at social media. May mga nanawagang higpitan o ipagbawal ang ilang laro at limitahan ang paggamit ng social media sa mga menor-de-edad. Matagal nang pinagdedebatehan ang mga isyung ito sa iba’t ibang bansa, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring matibay na ebidensiyang nagsasabing ang mga ito lamang ang direktang nagtutulak sa isang bata upang gumawa ng karumal-dumal na krimen. Mas kumplikado ang problema dahil maaaring magsama-sama ang impluwensiya ng tahanan, paaralan, kapaligiran, mental health, bullying, at iba pang salik.
Naungkat din ang usapin tungkol sa batas na may kinalaman sa mga batang lumalabag sa batas. Muli na namang may mga nanawagang baguhin ito at may mga agad ding nagsisihan kung sino ang may kagagawan ng naturang batas. Ang hindi napapansin ng marami, ang paggawa ng batas ay hindi desisyon ng iisang tao lamang. Dumaraan ito sa pag-apruba ng Kongreso at pagpirma ng Pangulo. Kaya’t hindi rin makatarungang ipataw ang buong sisi sa isang tao lamang.
Maging ang kultura ng karahasan sa lipunan ay muli ring pinag-usapan. May mga nagsasabing nakaaapekto sa kabataan ang paulit-ulit na panonood ng karahasan sa internet, pelikula, telebisyon at maging sa mga pahayag ng ilang personalidad. Hindi madaling patunayan ang direktang ugnayan ng mga ito sa isang partikular na krimen, ngunit sapat na itong dahilan upang pag-isipan kung anong uri ng kapaligiran ang kinagigiliwan nating likhain para sa ating mga anak.
Subalit sa gitna ng lahat ng argumento, may isang usaping tila natabunan. Ang trauma. Habambuhay nang dadalhin ito hindi lamang ng mga batang bumaril kundi ng mga nasugatan, ng mga nakasaksi, ng mga guro, ng mga magulang at ng lahat ng estudyanteng nasa paaralan nang mangyari ang insidente. Marami sa kanila ang maaaring mangailangan ng mahabang panahon ng psychological counseling bago tuluyang makabangon.
Nakalulungkot ding habang patuloy ang imbestigasyon, halos araw-araw namang umiikot sa social media ang mga larawan ng dalawang menor-de-edad na suspek. Binalewala ng maraming netizen ang pakiusap ng mga awtoridad at iba’t ibang ahensiya na huwag nang ipakalat ang kanilang mga larawan dahil mga bata pa rin ang mga ito at may umiiral na batas na nagpoprotekta sa kanilang pagkakakilanlan. Mas mabilis pang kumalat ang mukha ng mga suspek kaysa kuwento ng tatlong estudyanteng namatay at ng mga nasugatan.
••••
Email- [email protected]
- Latest















