EDITORYAL — Social media ban sa mga menor-de-edad
MAINIT ang panawagang ipagbawal ang social media sa mga kabataang 16-anyos pababa matapos ang sunud-sunod na insidente ng karahasan na sangkot ang mga menor-de-edad. Sa Senate Bill No.?2066 na inakda ni Sen.?Sherwin Gatchalian, layunin nitong ilayo ang kabataan sa karahasang dala ng mga bayolenteng content sa internet. Subalit sapat ba ang simpleng pagbabawal?
Ang karanasan ng ibang bansa ay nakapagbibigay-babala. Noong Disyembre?2025, ang Australia ang unang bansa na nag-utos sa mga platform tulad ng TikTok, YouTube at Instagram na i-ban ang mga batang wala pang?16, kalakip ang mabigat na multa sa mga kompanyang hindi susunod. Ngunit sa pag-aaral ng isang unibersidad doon—ang University of Newcastle, napag-alaman na higit 80 percent ng mga under?16 ay patuloy na nagso-social media tatlong buwan matapos ang ban at nakita nitong kulang ang pagpapatupad at marami ang nakaiwas sa restriksyon gamit ang pekeng account, VPN o paggamit ng account ng mas nakatatanda.
May kahalintulad tayong karanasan dito. Inaasahan ng SIM Registration Act na mapuputol ang mga cybercrimes, ngunit kinilala mismo ng ilang opisyal na hindi ito naging epektibo dahil hindi pa integrated ang national ID system dito, kaya’t nakapagrerehistro ang iisang tao nang maraming SIM. Ipinakikita nitong kahit may batas, kung mahina ang sistema ng pagpapatupad at dokumentasyon, may paraan pa rin ang mga kriminal.
Sa nasabing Senate Bill, social media platforms lang ang saklaw. Paano ang mga streaming service na malayang nagpapakita ng mga pelikula at TV series na may karahasan? Paano ang mga online game na nagbibigay daan sa kabataan na makipaglaro at makipag-usap sa kahit sino? Kung hindi isasama ang mga ito at hindi mapagtitibay ang age-verification, parang SIM law lang ang mangyayari, may batas, pero napalulusutan.
Hindi natin maaaring iasa sa isang ban ang kaligtasan ng kabataan. Maganda at epektibong hakbang ang pagbabawal ng social media sa mga menor-de-edad, ngunit ito’y simula pa lamang. Mas kailangan ang komprehensibong solusyon: digital literacy sa paaralan, gabay ng magulang, mas malawakang libreng mental health services, at mahigpit na pakikipagtulungan ng mga platform at gobyerno para sa makabagong age-verification. Dapat ding lutasin ang ugat ng karahasan at bullying. Sa panahong mabilis ang pag-usbong ng teknolohiya, ang responsableng paggamit at malawak na suporta ang tunay na proteksiyon sa mga nangyayaring karahasan sa mga paaralan.
- Latest




















