GoreBox developer tinanggihan imbitasyon ng Senado

MANILA, Philippines — Tinanggihan ng developer ng online game na GoreBox, ang imbitasyon ng Senado sa Hulyo 1 kaugnay sa gagawing imbestigasyon sa naganap na pamamaril sa paaralan sa Tacloban.
Sinabi kahapon ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality Chairman Sen. Risa Hontiveros na hihingi siya ng tulong sa German Embassy sa Pilipinas upang matiyak ang partisipasyon ng developer na naiulat na nakabase sa Germany.
“Nakakadismaya na pinili ni Mr. Filip na huwag dumalo sa darating na hearing namin lalo na’t marami sana akong gustong malaman sa kanya mismo,” sabi ni Hontiveros.
Sa kanyang email sa Senate Committee Secretaria, sinabi ng developer ng GoreBox na si Felix Filip na ang gaming app ay “classified 18+ at hindi inilaan para sa, o nakadirekta sa mga menor-de- edad.”
Sinabi rin ni Filip na nakikiramay siya sa pamilya ng mga biktima.
Sinabi ni Hontiveros na nananatiling bukas ang kanyang komite upang mapadali ang pagdalo ni Filip sa imbestigasyon kung sakaling magbago isip nito.
- Latest
















