Boatwright puwede pa sa Asian Games

MANILA, Philippines — Umaasa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na makakalaro si Bennie Boatwright sa Gilas Pilipinas para sa darating na 20th Asian Games sa Nagoya, Japan sa Setyembre.
Sinabi ni SBP Exec. Director Erika Dy na nasa Malacañang na ang naturalization bill na magbibigay sa 6-foot-10 American cager ng pagkakataong isuot ang uniporme ng Gilas Pilipinas sa quadrennial event.
Ang pirma ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang hinihintay ng SBP at ng 29-anyos na si Boatwright.
“The next step obviously is the bill will go up to the Malacañang for the President’s signature or if he doesn’t sign, puwede siyang mag-lapse into law after 30 days,” sabi ni Dy.
“After nun mag-oath taking siya tapos makakakuha ng naturalization certificate sa Bureau of Immigration, iyon ‘yung dadalhin natin sa DFA para makakuha siya ng passport,” dagdag nito.
Kasalukuyang nasa US ang San Miguel import at kaagad babalik sa bansa para sa kanyang oath taking sa oras na mapirmahan ng Presidente ang naturalization bill.
Si Barangay Ginebra resident import Justin Brownlee ang isa sa mga naturalized player ng Gilas Pilipinas bukod kay Ange Kouame.
“There is no limit sa mga naturalized players. Ang definition kasi nila diyan is nasa Pilipinas for as long as at least three years so we all know Bennie first played for San Miguel three years ago so papasok siya dun sa residency rule,” paliwanag ng SBP official.
Samantala, naidaos na ang oath taking nina Gilas 3x3 prospects Malick Diouf at Elizabeth Means na susundan ng kanilang BI certificates.
- Latest





















