Gilas game plan ikinakasa na
MANILA, Philippines — Inihahanda na ang game plan ng Gilas Pilipinas para sa dalawang matinding laban na haharapin nito sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Haharapin ng Gilas ang New Zealand sa Hulyo 3 sa Auckland kasunod ang Australia sa Hulyo 6 sa Perth.
Alam ni naturalized player Justin Brownlee na muling haharap sa mantinding pagsubok ang Gilas laban sa mas matatangkad na players ng New Zealand.
Inaasahan na rin ng Pinoy cagers na magiging pisikalan ang laban nito kontra sa Kiwis.
Ngunit para kay Brownlee, handa ang kanilang tropa na makipagsabayan.
“We know they’re a physical team, so we just try to match that, understand and play through and just be aggressive,” ani Brownlee.
Inilabas na ng New Zealand ang lineup nito para sa qualifiers.
Halos pareho ang mga players ni Tall Blacks head coach Judd Flavell sa mga naglaro noong Pebrero kung saan tinalo nito ang Gilas sa iskor na 69-66.
Nangunguna sa listahan sina Sam Mennenga, Carlin Davison, Taylor Britt, Taine Murray, Jordan Ngatai, Reuben Te Rangi, Tohi Smith-Milner at Sam Timmins.
Kasama rin sa Tall Blacks sina Shea Ili, Tai Webster at Sam Waardenburg para mas lalo pang maging solido ang kanilang tropa kontra sa Gilas.
Malaking kawalan naman para sa Pinoy squad sina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown habang wala rin si Scottie Thompson na nagpapagaling sa hamstring injury.
Kaya naman umaasa si Cone na mapupunan ito ng iba pang miyembro ng Gilas.
Pasok sa lineup sina Mike Phillips at Justine Baltazar gayundin si Juan Gomez De Liaño na papalit naman kay Thompson.
Malaki ang maitutulong ng tuneup games ng Gilas kontra sa NBL teams para mas lalo pang maging solido ito bago sumabak sa qualifier.
- Latest



















