Eala may P6.4 milyon agad sa Wimbledon

MANILA, Philippines — Tataba na naman ang bank account ni Pinay netter Alex Eala.
ito ay dahil makatitiyak na ito ng tumataginting na 80,000 pounds o mahigit P6.4 milyon sa pag-entra nito sa main draw ng Wimbledon Championships na magsisimula sa Hunyo 29 sa London, England.
Tangan ni Eala ang No. 29 seed base sa opisyal na listahan na inilabas ng mga organizers kahapon.
Isa si Eala sa 32 seeded players kung saan malaki ang tsansa nitong umusad sa second round dahil mga unseeded players ang makakaharap nito sa opening round.
Kung papasok ito sa second round, aangat pa sa 126,000 pounds ang kikitain nito o mahigit P10 milyon.
Tumataginting na 3.6 million pounds o mahigit P292 milyon ang ibubulsa ng magkakampeon sa singles ng Wimbledon sa taong ito.
Magiging milyunaryo rin ang runner-up na magkakamit ng 1.8 million pounds o mahigit P146 milyon.
Sa taong ito, mas malaki ang total prize fund na inilaan ng mga organizers kumpara noong nakaraang taon.
May kabuuang 64.2 million pounds ang premyo ngayon o 20 porsiyentong mas mataas sa 53.5 million pounds noong 2025 edisyon ng naturang Grand Slam event.
Sa 2025 edisyon, hindi pinalad si Eala na makapasok sa second round matapos itong matalo kay dating Wimbledon champion Barbora Krejcikova ng Czech Republic sa iskor na 6-3, 2-6, 1-6.
Umaasa si Eala na malalampasan nito ang kanyang first-round finish noong nakaraang taon.
Mataas ang moral ni Eala sa pagkakataong ito matapos makakuha ng grass title sa Birmingham Open sa England.
Nakaabot pa si Eala sa semis ng Berlin Open sa Germany kung saan tinalo nito ang mga bigating players na sina world No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa second round at world No. 8 Elina Svitolina ng Ukraine sa quarterfinals.
- Latest






















