2 menor-de-edad na gunman,‘di binu-bully

Tacloban school shooting, planado…
MANILA, Philippines — Isinantabi na ang bullying ang dahilan ng pamamaril ng dalawang menor-de-edad na gunman sa mga estudyante ng Jose National High School sa Tacloban City na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong estudyante at pagkasugat ng marami.
Ito ang lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police dahil sa matagal na umanong pinaplano ito ng dalawang suspek na gawin ang krimen base na rin sa kanilang mga pag-uusap.
Sinabi rin kahapon ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Malcolm Garma na wala pa silang nakikitang ebidensiya na ang mga estudyante ay biktima ng bullying tulad ng kumakalat sa social media kaya nagawa ng dalawang suspek ang krimen.
Idinagdag pa ni Garma na ang dalawang menor- de-edad na gunman ay dumaan sa bakod, at hindi sa main gate ng paaralan dahil hindi ito nakita ng mga security personnel ang pagpasok ng mga suspek.
“The two perpetrators were able to enter the school premises through the fence. They did not pass through the main gate. The main gate is basically being manned by two security guards,” ayon kay Garma, sa isang media interview.
Wala rin aniyang partikular na indibidwal na tinarget ang mga suspek nang isagawa ng mga ito ang pamamaril.
Nananatili pa ang mga suspek sa kustodiya ng mga pulis at isinasailalim sa interogasyon na may gabay ng kanilang mga magulang na nakatakdang i-turn over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Masusi na rin iniimbestigahan ng mga otoridad ang tiyahin na pulis ng isa sa suspek na siyang nagmamay-ari ng baril na ginamit sa krimen habang ang baril na ikalawang suspek ay pagmamay-ari ng isang security agency.
- Latest
















