Coco, biglang natambakan ng action project

Natupad na ang matagal nang pangarap ni Coco Martin na magkaroon ng sariling action film.
Sa panayam ng aktor kasama ang on and off-screen partner na si Julia Montes sa latest episode ng vlog ni Gary Valenciano na Unshaken with Gary V, inamin niyang ang tagal na niyang naghihintay na may mag-offer sa kanya ng action film.
“Kapag gumagawa kasi ako ng pelikula, either rom-com drama or action-comedy. Para bang wala pang producer na tumataya sa ‘kin na parang ‘bigyan nga natin si Coco ng talagang totoong action, ‘yung kung ano ‘yung ginagawa niya sa TV, iano natin sa pelikula,’” kwento ng Kapamilya Primetime King.
“Kasi ‘di ba, ‘yung mga action star, may pelikula lahat ‘yan, eh. Ako wala pa ako talagang solid na talagang action na magbabayad ang mga tao (sa sinehan),” dagdag pa niya.
Nang mapanood daw niya ang On The Job at Buy Bust ni Direk Erik Matti ay hangang-hanga raw siya at pinangarap na sana ay makagawa rin siya ng ganu’ng klaseng pelikula.
Pero wala ngang nag-aalok sa kanya kaya naisip na nga raw niyang siya na ang mag-produce ng sarili niyang action movie
Hanggang recently ay ipinatawag daw siya ng producer na si Dondon Monteverde at nag-present sa kanya ng proyekto. Maganda raw ito at nagustuhan niya.
Dito raw niya inamin sa producer na matagal na niyang dream na makagawa ng action movie at sana raw ay ma-consider siya kapag may ganitong proyekto.
Nang dumating si Direk Erik sa meeting ay sinabi raw nito na may proyekto silang Bonifacio at ibinigay ito sa kanya. “Kaya nakuha ko ‘yung dalawang project sa kadaldalan ko,” masayang kwento ng aktor/direktor.
Pero ang problema raw niya ngayon ay ang schedule since may bago nga silang action-serye ni Julia na Sigabo na nagsimula nang umere last Monday (June 22) sa TV5, ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook at iWant.
Bukod sa dalawang pelikulang tinanggap ay may Star Cinema project pa raw silang gagawin ni Julia. Pero sey ni Coco, kakayanin niya ang mga nasabing proyekto dahil ibinigay na blessings ito sa kanya ni Lord.
Sofia, bumiyahe ng Agusan para sa burol ni Rene!
Nagtungo si Sofia Andres sa burol ng pumanaw na Ateneo basketball player na si Rene Clert Baterbonia sa Talacogon, Agusan del Sur kahapon, June 23, para personal na magpahayag ng kanyang pakikiramay.
Kaagad na nag-viral sa social media ang mga larawan at video ng pagbisita ng aktres sa nasabing wake at nag-post din siya sa kanyang Instagram Story.
Kamakailan ay naipahayag na rin ni Sofia ang kanyang pakikiisa sa pagdadalamhati ng buong bayan sa pagkasawi ni Baterbonia at isa pang basketbolista na si Divine Adili noong June 8 habang nasa team building activity in Aurora.
Nanawagan din siya ng hustisya para sa pagpanaw ng dalawang manlalaro.
Kasunod nito ay nagtanong pa ang aktres sa socmed kung paano makakapunta sa burol ni Rene.
“How do I get to Rene Baterbonia’s wake in Agusan del Sur from Iloilo? If anyone has details on the location or travel route please let me know,” aniya.
- Latest






















