Suspek sa Tacloban shooting adik sa ‘Gorebox’

Pinagbawal ng CICC
MANILA, Philippines — Lulong na umano sa bayolenteng online game na “GoreBox” ang isa sa dalawang suspek sa insidente ng pamamaril sa San Jose National High School Tacloban City.
Ito naman ang isa sa mga lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad kung saan posible umanong impluwensiyahan ng nasabing online game.
“Yes, just like the Roblox may laro, may shooting, shooting din mga ganung firearms. Medyo bayolente po ‘yung laro,” saad ni PBGen. Jason Capoy, PRO-8 Regional Director.
Kaugnay nito, pansamantalang ipagbabawal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang gaming application na “GoreBox” kasunod ng ulat na lulong umano sa naturang online game ang isa sa mga suspek sa pamamaril sa Tacloban.
Ayon sa CICC, kilala ang laro sa pagpapakita ng iba’t ibang armas at pagiging bayolente.
Sinabi ni CICC Undersecretary Aboy Paraiso na hindi maaaring isantabi ang posibleng impluwensiya ng mga online platform sa insidente. Aniya, pansamantalang pag-ban sa laro ay magbibigay ng sapat na panahon sa mga awtoridad upang masuri kung may kaugnayan ito sa mga aksyon ng mga suspek.
“We are blocking GoreBox temporarily as a precautionary measure pending the investigation. Within the day, expect the app to be blocked,” ani Paraiso.
- Latest


















