2 pulis tiklo sa rape at pambubugbog sa misis

MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang aktibong pulis na may magkahiwalay na kaso ng rape at domestic violence sa Taguig at Davao del Norte, alinsunod sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr..
Ani Nartatez, ipinakikita ng PNP na ang internal cleansing ay agresibong ipinatutupad na dapat magsilbing babala sa hanay ng pulisya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, sa gabay ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
“Let these simultaneous arrests serve as a stern warning that our badge and our uniform will never be a shield against the law, and the Philippine National Police will aggressively hunt down anyone within our ranks who believes they can evade accountability,” ani Nartatez.
Ang inaresto ay isang Police Master Sergeant na nakatalaga sa Presidential Security and Protection Group (PSPG) na dinakip sa Quezon City noong Hunyo 20 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Taguig City Regional Trial Court Branch 267 sa kasong rape, na walang piyansa.
Matagal umano ang naging pagmamanman ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa naturang pulis sa pamamagitan ng COPLAN “Bangketa” dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na gawain at paggamit ng ilegal na droga.
Ang ikalawa ay isang patrolman na nakatalaga naman sa Office of the Regional Police Records Management Division-Regional Personnel Holding and Accounting Section ng Police Regional Office 11.
Dinakip siya sa Sto. Tomas, Davao del Norte, kaugnay sa dalawang kasong paglabag sa Republic Act No. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act) na pananakit ng pisikal at mental sa kanyang misis, na may inirekomendang piyansa na P72,000 at P6,000.
- Latest















