Eala sumulong sa no. 30 sa WTA live rankings
MANILA, Philippines — Muling sumulong si Alex Eala sa No. 30 sa WTA live rankings matapos makapasok sa semifinals ng Berlin Open.
Hawak ni Eala ang No. 35 sa official ranking ng WTA.
Ngunit dahil sa matikas na ratsada nito sa Berlin Open, umangat ito ng limang puwesto para mapalakas ang tsansang maging seeded ito sa Wimbledon.
Umusad si Eala sa semis nang patubin nito si World No. 8 Elina Svitolina ng Ukraine sa pamamagitan ng impresibong 6-3, 6-4 panalo.
Nauna nang pinatalsik ni Eala si World No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa second round (7-5, 6-4) at Queen’s Club champion Donna Vekic ng Croatia sa first round (7-5, 6-4).
Tumataginting na 57, 395 Euros o halos P4 milyon ang sigurado na sa bulsa ni sa pagpasok nito sa semis ng Berlin Open na isang WTA 500 event.
Posibleng umangat pa ito sa 99,565 Euros o mahigit P6.8 milyon kung papasok ito sa finals.
Makakaharap ni Eala sa semis si Linda Noskova ng Czech Republic sa alas-8 ng gabi ng Sabado (oras sa Maynila).
Puntirya ni Eala na makaresbak kay Noskova.
Matatandaang tinalo ni Noskova si Eala, 6-2, 6-0, sa Round of 16 ng Indian Wells noong Marso sa California.
Kaya naman desidido si Eala na makabawi upang maitabla sa 1-1 ang kanilang head-to-head sa season na ito.
Natuldukan na rin ni Eala ang ‘Czech curse’ nang talunin nito sa finals ng Birmingham Open si Nikola Bartunkova ng Czech Republic sa iskor na 5-7, 6-3, 7-5.
“I think I’m getting better. I hope I’m getting better. Of course, being exposed in this kind of level more often really pushes you to your limits and forces you to show what you got,” ani Eala.
Umaasa si Eala na magtutuloy ito sa pagharap nito kay Noskova.
- Latest


















