Pera ng Bayan, sino ang mananagot
HABANG marami pa ring Pilipino ang pumipila sa mga pampublikong ospital para sa libreng gamot, naghihintay ng bakanteng kama, at umaasa sa kakarampot na serbisyong pangkalusugan, isang malaking usapin ngayon ang bumabalandra sa Department of Health.
Isinampa sa Office of the Ombudsman ang reklamo laban kay DOH Secretary Teodoro J. Herbosa at ilang matataas na opisyal ng kagawaran kaugnay ng umano’y hindi awtorisadong paglilipat ng P145.9 milyong pondo ng gobyerno patungo sa World Health Organization (WHO).
Kasama sa mga pinangalanang respondent sina Assistant Secretary Gloria J. Balboa, OIC-Assistant Secretary Albert Francis E. Domingo, Disease Prevention and Control Bureau Director Anna Marie Celina G. Garfin, at Health Promotion Bureau Director Maria Kristina May L. Marasigan.
Ayon sa reklamo, ang P145.96 milyon ay inilaan bilang “voluntary contribution” para sa Philippine Pacific Health Initiative (PHILPAC) ng WHO. Ngunit kinukuwestiyon ng mga nagrereklamo kung paano at bakit ito nailipat, dahil umano’y kinuha ang pondo mula sa mga umiiral na programa ng DOH at hindi maaaring basta ideklarang “savings.”
Hindi ito simpleng usapin ng papeles o teknikalidad. Kapag pinag-uusapan ang pondo ng kalusugan, pinag-uusapan dito ang perang dapat sana’y nakalaan sa gamot, bakuna, kagamitan sa ospital, at serbisyong direktang napapakinabangan ng mga Pilipino, lalo na ng mga nasa laylayan.
Dahil dito, inakusahan ang mga respondent ng Technical Malversation at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Kinuwestiyon din ang umano’y paggamit ng P56.46 milyong mula sa FY 2024 Continuing Appropriations at ang kakulangan ng malinaw na awtorisasyon mula sa General Appropriations Act (GAA).
Hiniling ng mga complainant sa Ombudsman na magsampa ng kaukulang kasong kriminal at administratibo, kabilang ang preventive suspension ng mga respondent habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa puntong ito, hindi pa patunay ang reklamo ng pagkakasala. Ngunit isang malinaw na paalala ito na ang bawat sentimong mula sa kaban ng bayan ay dapat may malinaw na paliwanag at wastong pananagutan.
Sapagkat sa bawat milyong nawawala sa tamang destinasyon, may mga pasyenteng mas matagal ang paghihintay, may mga ospital na kulang sa kagamitan, at may mga pamilyang mas lalo pang kinakapos. Wala pang opisyal na pahayag ang mga respondent hinggil sa mga alegasyon.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay batay sa isinampang reklamo at mga impormasyong nasa pampublikong talaan sa kasalukuyan. Ang lahat ng mga respondent ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa pamamagitan ng pinal na desisyon ng korte o ng kaukulang ahensya ng pamahalaan.
- Latest




















