Tindero ng isda binoga, bulagta
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 49-anyos na fish vendor nang barilin ito sa ulo ng pinaniniwalaang gun for hire habang nagpaparada ng sasakyan para magbukas ng tindahan sa Las Piñas City, noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ng Las Piñas City Police, ang biktimang si alyas “Virgilio,” ng Barangay Pilar, Las Piñas City, na idineklarang dead-on-arrival sa ospital dahil sa tama ng bala sa kanang sentido.
Naaresto sa follow-up operation ang suspek na si alyas “Kenjie,” 43-anyos, residente ng Gloria Compound, Brgy. Pilar, sa Platinum Road, Brgy. Pilar.
Sa imbestigasyon, alas-5:00 ng umaga nang magtungo ang biktima at kasama sa kanyang tindahan at inutusan na magbukas ng pwesto.
Habang ipinaparada ng biktima ang sasakyan ay biglang lumutang ang gunman at binaril siya sa ulo.
Tinungo ng kasama ang pinanggalingan ng putok at nakitang nakahandusay at duguan ang ulo ng biktima habang tumakas ang suspek sa direksyon ng Aguilar Sports Complex.
Sa pamamagitan ng CCTV backtracking, intelligence gathering, at surveillance operations, ay mabilis na natunton ng mga otoridad ang suspek at naaresto sa kanyang bahay at nakumpiska ang isang kalibre .45 at magazine may 5 bala.Hindi pa tukoy ang motibo sa pamamaslang.
- Latest

















