World no. 2 sibak kay Eala sa Berlin Ppen

MANILA, Philippines — Muling gumawa ng ingay si Alex Eala matapos pabagsakin si World No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa pamamagitan ng impresibong 7-5, 6-4 panalo upang umusad sa quarterfinals ng Berlin Open na ginaganap sa Germany.
Hindi maitago ni Eala ang saya na muli itong manalo kontra sa isang Top 10 player.
Kinailangan ng 21-anyos Pinay netter ng solidong laro partikular na sa first set upang pigilan ang ratsada ng reigning Australian Open champion na si Rybakina.
Maagang naglusad ng matikas na ratsada si Rybakina nang itarak nito ang 4-1 kalamangan sa first set.
Subalit unti-unting bumangon si Eala nang kubrahin nito ang tatlong sunod na games para maitabla sa 4-4 ang laban.
Inilatag pa ni Eala ang 3-1 run para tuluyang angkinin ang first set.
Sa second set, kumapit ng husto si Eala sa bawat sandali ng laban upang tuldukan ang tangka ni Rybakina na maipuwersa ang third set.
“I think there were really right moments in both sets, and of course, she is an amazing player. She is the one to beat, so I’m happy to have been able to share the court with her again,” dagdag ni Eala.
May 1-1 head-to-head record na sina Eala at Rybakina.
Unang nagtagpo ang dalawa sa second round ng Italian Open noong nakaraang buwan kung saan nanalo si Rybakina s aiskor na 6-4, 6-3.
Sunod na makakasagupa ni Eala si World No. 8 Elina Svitolina ng Ukraine na nanaig kay Eva Lys ng Germany, 6-3, 6-2.
Ito ang unang paghaharap nina Eala at Svitolina sa singles.
Nakatakda ang laban nina Eala at Svitolina sa quarterfinals sa alas-11:30 Biyernes ng gabi (oras sa Maynila).
- Latest

















