Pukpukan training ng Gilas Pilipinas
MANILA, Philippines — Mas magiging pukpukan na ang training camp ng Gilas Pilipinas par amaisgurong kasado ito bago umalis ng bansa para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers third window na lalaruin sa New Zealand at Australia.
Makakalban ng Gilas ang New Zealand sa Hulyo 3 sa Auckland kasunod ang Australia sa Hulyo 6 sa Perth.
Sumalang na sa magagaan na workout ang GIlas Pilipinas kasama si head coach Tim Cone na sariwa pa sa matamis na kampeonato sa PBA Commissioner’s Cup.
Kasama ni Cone sa naturang tagumpay sina naturalized player Justin Brownlee at Scottie Thompson na bahagi rin ng Gilas program.
Kaya naman walang pahi-pahinga para sa tatlo dahil agad itong sasalang sa ensayo matapos ang ilang araw na pahinga.
Nais ni Cone na maibalik agad ang chemistry ng tropa dahil hindi biro ang pagdaraanan ng Gilas sa kanilang huling dalawang laro.
“We need to bring them back early to get them back in shape,” ani Cone.
Kailangan ng tropa ng mas mahabang ensayo lalo pa’t may ilang nawala at ilang nadagdag sa team gaya ni dating De La Salle University standout Mike Phillips.
Nabigyan na si Phillips ng go-signal ng FIBA para maglaro bilang local player kaya’t malaki ang maitutulong nito sa Gilas.
Hindi masisilayan sa third window sina bigmen Kai Sotto at Quentin Millora-Brown.
Kamakailan lamang ay ikinasal si Sotto sa kaniyang kasintahang si Rere Madrid sa isang simpleng seremonya sa Neri’s Secret Garden sa Cavite.
Magiging kahalili nina Sotto at Millora-Brown sina Justine Baltazar at Troy Rosario na makakasama sina AJ Edu, Carl Tamayo at June Mar Fajardo.
Pasok din sina Chris Newsome, RJ Abarrientos, Kevin Quiambao at Dwight Ramos.
Umaasa si Cone na makukumpleto na ang players nito sa training camp para makabuo na ng solidong game plan para sa final window ng qualifiers.
- Latest




















