Phillips, Baltazar, Rosario pasok sa Final 12
MANILA, Philippines — Pinangalanan na nang Samahang Basketbol ng Pilipinas ang official lineup ng Gilas Pilipinas para sa third window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Hulyo.
Pasok sa lineup sina Mike Phillips, Justine Baltazar at Troy Rosario dahil wala sa listahan sina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown.
Hindi rin makalalaro si Calvin Oftana na nakatakdang sumalang sa operasyon.
Pamumunuan ni naturalized player Justin Brownlee ang Gilas Pilipinas matapos tulungan ang Barangay Ginebra na makopo ang korona sa PBA Commissioner’s Cup.
Kaya naman inaasahang kakayod ng husto ang Pinoy cagers upang makasabay sa mga mabibigat na laban nito kontra sa New Zealand at Australia.
Nasa lineup din sina June Mar Fajardo, AJ Edu, Chris Newsome, RJ Abarrientos, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Scottie Thompson at Carl Tamayo.
Maiksi lamang ang selebrasyon ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na dinala ang Gin Kings sa kampeonato dahil agad itong sasalang sa ensayo ng national team.
Ngayong tapos na ang PBA Commissioner’s Cup, inaasahang makakasama na rin ang iba pang players para mabilis na maibalik ang chemistry ng tropa.
Nakatakdang umalis ang delegasyon sa Hunyo 23 upang makaagapay sa klima ng Auckland, New Zealand na venue ng unang laro ng Gilas.
Lalaruin ang laban ng Gilas at New Zealand sa Hulyo 3 habang sa Hulyo 6 naman ang laro nito kontra sa Australia na idaraos sa Perth.
- Latest



















