Nurse na tulak, timbog sa ospital

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Dinakip ng mga awtoridad ang isang registered nurse matapos ang isinagawang drug buy-bust operation sa loob ng isang pagamutan sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nadakip na suspek na si alyas “Noel,” 32, empleyado ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) at residente sa Barangay Libertad, Abulug, Cagayan.
Ayon sa report, nagsagawa ng drug buy-bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 2 (PDEA02) at Tuguegarao PNP sa loob ng nasabing hospital na nagresulta sa pagkakakumpiska ng nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga sa P34,000 mula sa suspek.
Samantala, dinakip naman si alyas “Charlie,” 48, residente ng Barangay Buag sa bayan ng Bambang sa isa pang drug buy-bust operation sa lalawigan naman ng Nueva Vizcaya kamakalawa.
Nakuha sa suspek ang nasa 100 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P700,000.00 ang halaga, kabilang ang isang cal. 38 na baril.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest






















