Lalaki arestado sa sextortion sa OFW
MANILA, Philippines — Naaresto sa isang entrapment operation ang isang lalaking nangingikil at nagha-harass sa isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ilalabas sa social media ang kanilang sex video.
Sa ulat ng Philippine National Police- Aviation Security Group (AVSEGROUP) – NAIA Police Station 3, inaresto ang suspek sa aktong hawak ang paunang P3,000.00 marked money mula sa hinihinging P10,000.00 sa biktima.
Nag-ugat ang operasyon matapos isuplong ng 34-anyos na mister ng OFW ang ginagawa ng suspek sa kanyang misis na kung hindi makikipagkita sa kanya sa arrival area ng NAIA Terminal 3, at hindi maibigay ang nasabing halaga ay ipo-post sa social media ang kanilang sex video at ipadadala rin sa pamilya at mga kaibigan.
Pagkaabot ng biktima sa suspek ng pera sa Tambayan Food Hall ng Arrival Area ng NAIA Terminal 3 ay dito na siya dinakip.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng reklamong paglabag sa Republic Act 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009), RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), Grave Threats, at Extortion sa ilalim ng Revised Penal Code. -
- Latest




















