Baterbonia may ‘hero’s welcome’ sa Agusan
MANILA, Philippines — Bumuhos ang pagdadalamhati sa Talacogon, Agusan del Sur sa pagdating ng mga labi ni Rene Baterbonia sa kanyang hometown.
Dinumog ng mga kababayan nito ang pagdating ang 18-anyos player ng Ateneo de Manila University upang masilayan ito.
Habang dumadaan ang karo ni Baterbonia, malakas na hiyawan ang naririnig mula sa mga tao kasabay ng sigawan ng MVP.
Nanggaling ang labi ni Baterbonia mula sa Ateneo de Davao University kung saan ito nagtapos ng senior high school.
Mula sa Ateneo de Davao University, dinala ito sa Agusan Municipal Gym para pansamantalang humimpil doon bago dinala sa Talacogon gym.
Magkakaroon ng public viewing sa Talacogon gym upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kababayan nito na bumisita.
Nagpasalamat si Jess Evangelio — ang dating coach ni Baterbonia sa high school division — sa lahat ng mga kababayan nito na nagpakita ng pagmamahal sa kanyang yumaong player.
“Thank you so much, Talacogon, and to all the places and people who gave love, appreciation, and respect to Bobet. Your support and kindness mean so much to all of us. MVP. History maker. People’s MVP,” ani Evangelio sa kanyang post sa social media.
Isa si Baterbonia sa dalawang Ateneo Blue Eagles na namatay sa team building noong Enero 8 sa Dipaculao, Aurora.
Kasama nitong namatay si Ateneo Nigerian player Divine Adili.
“Today, Bobet is back where his story began—surrounded by family, friends, and a community that will forever be proud of him and the legacy he leaves behind,” dagdag ni Evangelio sa kanyang post.
Hindi pinabayaan ng Ateneo de Davao ang pamilya Baterbonia.
Sa katunayan, binigyan ng unibersidad ng scholarship ang mga kapatid ni Baterbonia.
Bukod pa rito ang mga suportang pinansiyal mula sa fund raising para makatulong sa pamilya ni Baterbonia.
- Latest
















