Ryzza Mae, binili ang bahay ng manlalait!

Natuwa ang mga netizens sa surprise guesting ni Bimby Aquino sa Eat Bulaga nung nakaraang linggo.
Ipinagdiwang doon ang kaarawan ni Ryza Mae Dizon na nagulat sa pagdating ni Bimby na ang isa sa pinahulaan ay ang edad sa The Age is Right na segment.
Nagkasama sina Bimby at Ryza Mae sa pelikulang My Little Bossings 13 taon nang nakaraan na pinagtambalan nina Vic Sotto at Kris Aquino.
Nagdagdag ng attraction sa pelikula ang partisipasyon nina Ryza Mae at Bimby na ang cute tingnan nung panahong iyun.
After 13 years, ang cute pa rin nilang tingnan lalo na si Bimby na ang galing maglaro at magpa-cute kay Ryza Mae. Kuhang-kuha ni Bimby ang pagiging sincere sumagot ng kanyang ina.
Sa totoo lang, puwede siyang magpulitiko dahil sa angkin niyang charm.
Lalo pang pinuri si Bimby sa iniregalo niyang kuwintas kay Ryza Mae na ang sabi ay Tiffany and Co. raw mahigit-kumulang 40 thousand pesos ang halaga.
Samantala, maganda ang interview kay Ryza Mae sa You Tube channel ni Toni Gonzaga. Inilahad ni Ryza Mae ang hirap na pinagdaanan nila nung bata pa siya. Kaya hanggang sa ngayong 21 years old na siya, wala na siyang hinihiling pa sa kanyang sarili kundi para pa rin sa kanyang pamilya.
Ang ganda nang ibinahagi niyang kuwento nung anim na taon pa lamang siya : “May kapitbahay po kami na may balikbayan siyang apo na dumating. Nakipaglaro po ako, tapos medyo nasagi ko po yung vase. Ganyan lang kaliit yung nabasag. Nasabihan po ako na mas mahal pa ‘yan sa buhay mo. So, parang tumatak po yun sa akin na balang araw magsisipag talaga ako para hindi ako masabihan ng ganun,” bahagi ng kuwento ni Ryza Mae.
Kaya sinabi ni Toni, na dapat ay huwag magsabi ng ganun sa mga bata dahil natatandaan iyun at dala-dala hanggang pagtanda.
Kaya ang ending ng kuwentong ito ni Ryza Mae; “Hindi ko po makalimutan yun. May plot twist po yun Ms. Toni. Nung nanalo po ako, nabili ko po ‘yung bahay nila. Opo. Nabili ko po yung bahay na ‘yun ng kapitbahay namin.”
Kahit nung bata pa si Ryza Mae ay hindi raw niya naramdaman na siya lang ang tanging breadwinner ng pamilya. Hindi ko po na-feel yung pressure na ako lang ‘yung nag-work na pag ano…pag huminto po ako, wala nang mangyayari sa amin.
“Hindi po talaga, kasi tinutulungan nila ako, at saka masaya po ako na tinutulungan ko sila pabalik.”
Kaya kahit tinanong siya ni Toni kung may hiling ba siya para sa kanyang sarili, wala pa rin siyang masabi kundi para pa rin sa pamilya. “Kasi kapag okay po yung family ko, okay po ako. Kaya…sila po kasi talaga yung priority ko talaga. Saka na lang ako pag okay na sila. Kasi mahaba pa naman yung buhay ko po. ‘Yung magulang ko po, tumatanda po sila.
“Habang may pagkakataon po, gusto ko po iparanas sa kanila ‘yung buhay na deserve rin nila. Kasi hindi po madali ‘yung pinagdaanan nila nung maliit pa kami e. Gusto ko lang po ibalik yung ginawa po nila sa akin,” maluha-luhang kuwento ni Ryza Mae.
Alex, grabe ang pasasalamat sa ginawa ni Toni
Nakakatuwa naman ang relasyon ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga. Nagpa-baby shower si Toni para kay Alex na talagang ang laki na ng baby bump.
Base sa nai-post sa social media, parang baby boy talaga ang ipinagbubuntis ni Alex. Naka-blue ang suot ng karamihang dumalo. Tila knows na kung ano ang gender e.
Ilan sa mga celebrities na dumalo ay ang mag-inang Marjorie at Julia Barretto, at si Mariel Rodriguez-Padilla kasama ang kanyang anak.
Sa ipinost ni Alex sa kanyang Instagram, sabi niya sa kanyang caption; “Will always be my Ate’s baby!!!”
Isinulat din niya sa kanyang post ang papuri sa kanyang ate. Aniya; “No one celebrated my victories quite like my big sister. She loved me first, believed in me first, and cheered for me before anyone else.”
Karamihan tuloy sa mga comment ay natutuwa kung paano sila magsuportahan sa isa’t-isa.
Zaijian, apektado ng kahirapan
Natapos na ang shooting ng pelikulang Crawlers After Dark na first production ng Z Studios Productions.
Isinulat at dinirek ito ni Ralston Jover na tumatalakay sa mga kabataang miyembro ng Termite Gang. Tampok dito sina Kelvin Miranda, RK Bagatsing, Zaijian Jaranilla, Teri Malvar, at Ruby Ruiz.
Si Direk Ralston din ang nagsulat ng pelikulang Acytelene Gang na dinirek ni Adolf Alix. Pero hindi niya ito natapos dahil sa pagpanaw ni Jacklyn Jose. Ginawa ito ni Direk Brillante Mendoza na ginawang Manhole ang title.
Napapanahon daw ang pelikulang ito lalo na sa mga pinagdaanan ngayon ng bansa.
Panibagong challenge naman ito kay Zaijan na sunud-sunod ang ginagawa. Ang galing niya sa series sa Prime Video na Silent Noise.
Isa namang pari ang ginampanan niya sa Seed of Love bilang si Fr. Rhoel Gallardo.
Ngayon ay isang miyembro ng Termite Gang na dumadaan sa ilalim ng lupa para makapagnakaw.
Paano ito nagagawa ni Zaijan na talagang magkakaiba ang role na ginagampanan niya. “Ganun naman po talaga sa ating industriya. Basta may bago, at siyempre kung maganda yung material, bakit mo tatanggihan.
“Kung gusto mo naman talaga na ipakita ‘yung kakayanan mo para maipakita rin ‘yung versatility mo, bakit hindi mo tanggapin. Yun po,” pakli nito.
Pero rito sa latest project niya, tila nagkaroon siya ng simpatiya sa mga ganitong kabataan na nasasangkot sa ganitong krimen. “Nakakalungkot po na nangyari sa totoong buhay. Pero naisip ko na biktima rin sila. Biktima sila ng karahasan sa ating bansa. Biktima rin ng kahirapan.
“Sa akin po kasi ang pakiramdam ko sa ganitong nangyayari, produkto talaga sila ng bansa natin which is pare-parehas din tayong may pinagdaanan,
“Hindi natin sila puwedeng ipagtanggol lang din kasi hindi naman tama yung choice na kanilang pinuntahan. Pero hindi naman natin sila puwedeng husgahan sa kanilang pinagdaraanan,” saad pa ni Zaijan Jaranilla.
- Latest

























