Brownlee nagkatotoo hula sa Knicks

MANILA, Philippines — Nagkatotoo ang hula ni Justin Brownlee sa 2026 NBA Finals matapos ang 94-90 panalo ng kanyang dating koponan na New York Knicks kontra sa San Antonio Spurs sa Game 5 kahapon sa Frost Bank Center sa San Antonio, Texas.
“Knicks in 5,” ani Brownlee kamakalawa matapos ang career-high na 54 puntos upang kargahin sa kanyang balikat ang Barangay Ginebra sa Game 5 din ng PBA Seaon 50 Commissioner’s Cup finals kontra sa reigning champion na Talk ‘N Text. “I’ve been going (and rooting) for the Knicks,” dagdag niya.
Ito ang kanyang ikatlong 50-point game sa PBA at siyang pinakamataas na iskor sa PBA Finals sa loob ng 32 taon buhat nang magliyab din sa 54 puntos si Tony Harris sa 124-110 kabiguan ng Swift kontra San Miguel sa Game 3 ng inaugural 1993 PBA Governors’ Cup finals.
Taliwas sa kaalaman ng publiko ay minsan nang naglaro ang 38-anyos na si Brownlee para sa Knicks noong 2012 at 2013 NBA Summer League at Preseason.
Kasama si Brownlee sa 20-man preseason roster ng New York papasok sa 2013-2014 season at nakaabot pa sa Media Day suot ang Knicks jersey No. 34 bago ma-cut sa regular season.
Bagama’t hindi mismo nakalaro sa NBA, naglaro rin si Brownlee sa US NCAA para sa St. John’s University sa Queens, New York at buhat noon ay naging import na sa iba’t ibang bansa.
Isa na rito ang Pilipinas kung saan naging alamat na si Brownlee at resident import na ng Gin Kings sa PBA simula noong 2016 kung kailan niya itinarak ang pamosong buzzer-beater upang wakasan ang 8-taong pagkagutom sa kampeonato ng Ginebra.
Ngayon matapos sungkitin ang kanyang ikaapat na Best Import award na siyang ikalawa lamang kay Bobby Parks, tatangka rin si Brownlee sa kampeonato ng PBA na kanyang magiging ikapito.
- Latest
















