Guro pinainom ng muriatic acid ng estudyante, tigok
MANILA, Philippines — Malagim ang sinapit na kamatayan ng isang 36-anyos na guro matapos umanong painumin ng muriatic acid ng kainumang senior high school student sa loob ng tahanan ng biktima sa Brgy. Alijis, Bacolod City, Negros Occidental noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa hepe ng Bacaolod City Police Station 7 na si PCapt. Jay-r Reyes, inamin ng 24-anyos na suspek, isang Grade 12 student, na puwersahan niyang pinainom ng muriatic acid ang guro habang sila ay nag-iinuman.
Napikon umano ang suspek nang magbiro ang guro sa kanya na subukan nitong inumin ang muriatic acid kaya sa kanya nito ipinalaklak ang likidong asido.
Bandang alas-11:55 ng gabi nang magresponde ang pulisya matapos makatanggap ng report sa komosyon sa loob ng tahanan ng biktima.
Kinumpirma sa pulisya ni Education Program Specialist II RJ Paglomutan, DepEd-Bacolod Schools Division Spokesperson ang malagim na insidente pero tumanggi munang tukuyin ang pagkakakilanlan ng biktima at ng suspect.
Ayon sa pulisya, nakalugmok ang katawan ng guro nang kanilang abutan sa lugar habang ang suspect ay lasing na lasing. Nakita rin nilang nasira ang isang bahagi ng kisame na hinihinalang tinangkang lusutan ng suspek para tumakas palabas ng bahay.
Sa crime scene ay umalingasaw ang mabahong kemikal na amoy ng muriatic acid na hinihinalang puwersahang ipinainom ng suspect sa guro.
Bago ang krimen, nakita ang estudyante ng ilang kapitbahay ng guro na kumakatok sa tahanan ng biktima pero makalipas ang ilang sandali ay dito na nagkaroon ng komosyon at malalakas na sigaw na humihingi ng saklolo.
Taliwas sa unang ulat na pinagsasaksak ang biktima, lumalabas na walang sugat ito at hinihinalang namatay dulot ng pagkalason ng muriatic acid.
- Latest



















