Pera, dinispalko ng kaibigan
Dear Attorney,
Nagbigay ako ng pera sa aking kaibigan bilang puhunan sa itatayo naming negosyo ngunit ginamit niya ang pera para sa sarili niya. Binantaan ko siya na idedemanda pero sagot niya, wala namang nakukulong dahil sa utang. Tama ba siya? —Agnes
Dear Agnes,
Tama ang sinabi ng kaibigan mo na walang nakukulong sa utang pero may nakukulong naman sa estafa dahil sa pagdispalko ng pera.
Hindi naman kasi nakukulong ang mga nakasuhan ng estafa dahil sa hindi nila pagbabayad ng utang; sila ay nakukulong dahil sa panloloko na kanilang ginawa kaugnay sa utang.
Ang isa sa mga paraan ng estafa ay matatagpuan sa Article 351, paragraph 1 (b) ng Revised Penal Code. Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Tria v. People (G.R. No. 204755, 17 September 2014), masasabing may estafa sa ilalim ng probisyong ito kapag (1) may salapi o personal property na ipinagkatiwala sa nagkasala upang ito ay kanyang pangasiwaan o may ibinigay sa kanyang salapi o personal property sa ilalim ng anumang obligasyon na may kaakibat na tungkuling ibalik ang mga ito; (2) dinispalko ng nagkasala ang pera o ari-ariang ibinigay sa kanya o itinanggi niya ang pagkakatanggap niya ng mga ito; (3) nagdulot ng perwisyo sa ibang tao ang ginawang pagdispalko o pagtanggi ng nagkasala at (4) hiniling na ng mga naperhuwisyo sa nagkasala na ibalik na ang dinispalkong pera o ari-arian.
Pasok ang mga ginawa ng iyong kaibigan sa mga elementong nabanggit para sa estafa sa ilalim ng Article 315, paragraph 1(b). Kailangan lang tandaan na mahalaga ang huling elementong nabanggit; kung balak mong magsampa ng kasong estafa ay kailangang nahiling mo na sa iyong kaibigan (mas maganda kung sa pamamagitan ng isang demand letter) na maibalik ang halagang ipinagkatiwala mo sa kanya.
- Latest




















