Sunog sa bakery: Buntis, 3 pa patay
MANILA, Philippines — Nasawi ang apat na katao, kabilang ang isang buntis, habang isa pa ang sugatan matapos sumiklab ang sunog sa isang residential-commercial area sa Barangay Real, Calamba City, Laguna nitong Huwebes ng madaling araw.
Ayon kay Calamba City Police Chief PCol. Dennis De Guzman, kabilang sa mga nasawi ang mga residenteng nakatira sa ikalawang palapag ng Redlocks Bakery na pinagmulan ng insidente.
Na-trap umano ang mga biktima sa loob ng gusali habang mabilis na lumaki ang apoy.
Batay sa ulat, alas-3:00 ng madaling-araw nang makatanggap ang mga otoridad hinggil sa sunog na agad nirespondehan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Calamba.
Bukod sa bakery, nadamay rin ang ilang natabing establisimyento na agad na naapula ang apoy.
Mayroon ding naitabang sugatan sa insidente na agad nabigyan ng paunang lunas ng mga medical responder ng City Disaster Risk Reduction and Management Division.
Ayon sa ilang nakasaksi, nakarinig muna sila ng malakas na pagsabog mula sa loob bago sumiklab ang apoy.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagtukoy sa eksaktong sanhi ng sunog at kung paano na-trap ang mga biktima sa loob ng gusali.
Inaalam na rin ng BFP ang kabuuang halaga ng pinsalang idinulot ng insidente.
- Latest
















