Alex Eala pasok sa main draw ng Berlin Open
MANILA, Philippines — Hindi na daraan pa sa qualifying round si Alex Eala sa Berlin Open.
Ito ay matapos mabigyan ang Pinay netter ng wild card sa naturang WTA 500 event na gaganapin sa Hunyo 15 hanggang 21 sa Berlin, Germany.
Pormal nang inihayag ng mga organizers sa kanilang social media accounts ang pagpasok ni Eala sa main draw ng torneo.
Kaya naman hindi na daraan pa sa qualifying round si Eala.
“Wildcard News! Alex Eala is heading to Berlin. We can’t wait to welcome her,” ayon sa post ng Berlin Open official Facebook account.
Sariwa pa si Eala sa kampanya sa WTA 500 HSBC Championships sa London, England kung saan maaga itong nasibak sa kontensiyon.
Lumasap si Eala ng 2-6, 2-6 kabiguan sa kamay ng kaibigan nitong si American netter Iva Jovic sa second round.
Dahil dito, sesentro na muna ang atensiyon ni Eala sa paghahanda para sa Berlin Open na lalahukan ng matitikas na netter sa mundo.
Nangunguna na sa listahan sina top seeds Aryna Sabalenka ng Belarus at reigning Australian Open champion Elena Rybakina ng Kazakhstan.
Kailangan ni Eala na magkaroon ng matikas na kampanya sa Berlin Open upang makasiguro ng seeding sa prestihiyosong Wimbledon Championship na gaganapin sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 12.
Kasalukuyang hawak ni Eala ang No. 33 puwesto sa WTA ranking.
Tanging ang Top 32 players lamang sa WTA list ang magiging seeded players.
Kung mananatili si Eala sa naturang puwesto, malaki ang tsansa nitong maging seeded sa Wimbledon dahil awtomatikong mawawala sa main draw si Hailey Baptiste ng Amerika.
Matatandaang nagtamo si Baptiste ng ACL injury sa French Open kung saan kailangan nitong sumailalim sa anim na buwan na pahinga at rehabilitasyon.
Hawak ni Baptiste ang No. 30 sa WTA rankings.
- Latest
















